Price freeze sa karne ng baboy at manok, inirekomenda

NAGBIGAY ng rekomendasyon ang Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng price freeze sa karne ng baboy at manok sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga ito sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay DA Assistant Secretary for Strategic Communications Noel Reyes, nagsumite na ang ahensiya ng resolusyon kay Pangulong Duterte hinggil sa apelang price freeze.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at sa mga alkalde ng NCR para sa mahigpit na pagbabantay ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong merkado.

Bukod sa price cap, imomonitor din ng mga nabanggit na ahensiya ang mga trader, retailer, at wholesaler kaugnay sa Price Act violations.

Hinimok naman ni Agriculture Secretary William Dar ang mga hog trader sa probinsiya ng Batangas na makipagsosyo sa pamahalaan upang maibaba ang presyo ng karne ng baboy at manok sa mga pamilihan.

Sa kabilang banda, hiniling din ni Senador Christopher “Bong” Go sa Executive Department na umaksyon kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng baboy at manok sa bansa, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price ceiling dito.

Kinalampag naman ni Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang Department of Trade and Industry o DTI na imbestigahan at tugunan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa isang pahayag, binanggit ng mambabatas na nakababahala ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado nang i-anunsyo ng Philippine Statistics Authority noong Disyembre ang 3.5% increase sa inflation rate.

Mababatid na mayroong ipinatutupad na bantay ASF sa barangay ang DA na ang target ay mapigilan ang ASF.

Katuwang dito ng DA ang LGUs, private sector veterinary groups at mga hog raiser.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.