Primary COVID-19 vaccination, prayoridad pa rin kaysa booster shots – DOH

Primary COVID-19 vaccination, prayoridad pa rin kaysa booster shots – DOH

UUNAHIN pa rin, ayon sa Department of Health (DOH), ang pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa mga mamamayang hindi pa bakunado kahit pa magtuturok na ng booster shots sa bansa.

“With the simultaneous conduct of primary and booster vaccination, vaccination sites have been instructed to ensure prioritization of primary vaccination whenever possible,” saad ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Aniya, magagawa ito sa pamamagitan ng paglikha ng mga nakalaang araw, nakalaang daan, at mga diskarte sa pag-abot sa mga indibidwal na hindi pa nakakakumpleto ng kanilang pangunahing serye.

Ang pangunahing serye ng pagbabakuna ay tumutukoy sa bilang ng mga dosis na inireseta ng Food and Drug Administration (FDA) na maaaring maging two-dose o one-dose.

Hinimok naman ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang mga vaccination site na huwag ipamahagi bilang mga booster shot ang mga bakunang nakalaanpara pang-first at second doses.

Banggit ni Cabotaje, sapat ang inilaan ng pamahalaan na suplay ng booster doses.

“We do not want to be hearing that they locked the vaccines for primary doses, because we have reserved them the booster doses and we’d like to emphasize our priority is still A1 [which] we are already boosting,” saad ng health official.

Ngayong araw, Nobyembre 17, nagsimula ang initial roll-out ng mga booster shot para sa mga fully vaccinated na healthcare worker.

1.6 million na medical frontliners ang nasa masterlist. Halos 600,000 dito ang eligible na makatanggap ng COVID-19 boosters ngayong buwan, ayon sa NVOC.

Pinaalalahanan naman ng DOH ang mga ito na sundin ang guidelines at tumanggap lamang ng isang karagdagang dosis.

“From the safety principle standpoint, we want to give the lowest possible dose that is effective, otherwise you increase the risk for reactions. We have to stick to these current doses,” sinabi ni Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng Technical Advisory Group ng DOH (DOH-TAG).

Hindi rin inaabiso ani Dr. Anna Ong-Lim, miyembro rin ng DOH-TAG, ang pagtanggap ng booster nang mas maaga kaysa sa inirekumendang bilang ng buwan.

Base sa guidelines, ang fully vaccinated na health worker ay maaari lamang makatanggap ng isang booster shot na ibibigay ng hindi bababa sa 6 na buwan pagkatapos nilang matanggap ang kanilang mga unang dosis o pangunahing serye,

Ang mga nakakuha naman ng single-shot na bakunang Janssen ay maaaring tumanggap ng booster 3 buwan matapos silang mabakunahan.

Nilinaw naman ni Vergeire na hindi mandatory ang pagtanggap ng COVID-19 boosters. Aniya makokonsidera nang fully vaccinated ang isang indibidwal hangga’t nakatanggap na ito ng single-dose o two-dose na COVID-19 vaccine.

Pinapayagang rin ang mga healthcare worker na pumili ng gusto nilang vaccine brand para iturok bilang booster.

Ang mga inaprubahang booster shot para sa mga health worker ay mga single dose ng mga bakunang Pfizer, Sinovac, at AstraZeneca at kalahati ng regular na dosis ng isang bakuna ng Moderna.

Maaari silang pumili ng parehong brand (homologous) o ibang brand (heterologous) mula sa bakuna na una nilang natanggap. Gayunpaman, ito ay ibabatay sa brand mixing na inaprubahan ng pamahalaan.

Samantala, sinabi ng mga health official na tinatapos pa nila ang guidelines para sa pagbibigay ng booster doses para sa mga senior citizen at mga piling indibidwal na may comorbidities.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.