SINUSPINDE ng Constitutional Court ng Thailand si Prime Minister Paetongtarn Shinawatra matapos tanggapin ang isang petisyon na humihiling sa kanyang pagpapatalsik.
Ang dahilan: Isang leaked na tawag sa telepono na may kinalaman sa isyu ng hangganan ng Thailand at Cambodia.
Ayon sa korte ng Thailand, unanimous ang boto ng mga mahistrado sa pagtanggap ng kaso laban kay Paetongtarn.
Dahil dito, pansamantala siyang pinagbawalang gampanan ang kanyang tungkulin bilang prime minister habang wala pang pinal na desisyon.
Kasama sa mga ipinagbabawal sa kanya ay ang mga tungkulin kaugnay ng seguridad ng bansa, ugnayang panlabas, at pananalapi.
Inihain ang petisyon ng ilang senador noong nakaraang buwan, na inakusahan si Paetongtarn ng paglabag sa konstitusyon at sa mataas na pamantayan ng etika dahil sa kanyang pag-uusap sa telepono kay Cambodian Senate President Hun Sen.
Ayon kay Paetongtarn, tinatanggap niya nang buong kababaang-loob ang desisyon ng korte at magsusumite siya ng paliwanag sa loob ng 15 araw.
Habang suspendido ang panunungkulan ni Paetongtarn, si Deputy Prime Minister Suriya Juangroongruangkit ang magsisilbing acting prime minister ng Thailand.