KAILANGAN ikonsidera ng mga pulis ang privacy ng mga tao kasabay ng paggamit ng ‘body-worn’ cameras habang nagsasagawa ng operasyon.
Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson, Police Brigadier General Ronaldo Olay.
Inihayag ni Gen. Olay sa isang panayam na bumuo na ng technical working group ang ahensya upang pag-aralan ang legal na aspeto ng paggamit ng body cams.
“Isa ‘yan sa pinag-aaralan ng binuong technical working group ng ating Chief PNP General Eleazar para pag-aralan ang legal na aspeto sa paggamit ng body worn camera,” ani Gen. Olay.
Samantala, noong nakaraang linggo ay inatasan ni PNP Chief Guillermo Eleazar si Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, Chief of Police Operations, na magsagawa ng massive information drive sa mga pulis patungkol sa bagong panuntunan ng Korte Suprema sa paggamit ng body camera tuwing nagpapatupad at naghahain ng search at arrest warrants.
Noong Lunes, hinimok naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang pulisya na maging maingat sa privacy ng mga tao sa paggamit ng mga body camera kasunod ng pag-apruba ng Korte Suprema ng naturang mga patakaran.
Matatandaan na noong Hunyo kuwatro ay sinimulan ang procurement o pamamahagi ng mga body worn camera sa mga kapulisan.
Ayon sa PNP na target mabigyan ang lahat ng mga pulisya para sa kaligtasan ng awtoridad.