PUMIRMA ng Memorandum of Agreement ang lokal na pamahalaan ng San Juan, Meralco at telecommunication companies para sa paglilinis ng mga nagkabuhol-buhol at nakalaylay na mga kable ng kuryente o tinatawag na spaghetti wires.
Nakapulupot-pulupot, nakabitin na halos maabot na ng tao ang itsura ng mga kable sa Barangay Balong Bato lalo na sa C. Leyva St., cor. A. Luna St.,
Naging sanhi na ng maraming aksidente ang naturang mga nakalaylay na wires sa naturang kalye kung saan may naitala na ring namatay dahil dito.
Ito ang dahilan kung kaya’t ipinag-utos ni Mayor Francis Zamora na magkaroon na ng ordinansa ang lungsod ng San Juan na may layong linisin ang mga nakalaylay na kable ng kuryente, dangling o spaghetti wires sa siyudad upang maiwasan na ang mga peligro na maaaring maidulot pa nito.
Nilagdaan na ng San Juan local government, Meralco at ilang telco ang Memorandum of Agreement para sa paglilinis ng mga nagkabuhol-buhol na wire sa lungsod.
Sisimulan sa c. Leyva St., cor. A. Luna st., ng Barangaay Balong Bato ang naturang paglilinis dahil ito ang kalyeng may pinakamaraming kable na nagkabuhol-buhol at nakalaylay.
Tatanggalin ang mga inoperative na mga wires at tanging mga aktibo o ginagamit na kable na lamang ang mananatili sa mga poste.
Pagtitiyak naman ni Zamora na buong San Juan ang lilinisin upang mas maging ligtas at malinis na ang bawat kalye ng lungsod.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga katuwang na telcos maging ang Meralco sa programa ng siyudad.
Bukod naman sa MOA signing, ay sinimulan na rin ng local government ng San Juan ang implementasyon ng ground house to house registration sa Barangay Balong Bato.
Sa pamamagitan nito maaari ng makapagrehistro ng direkta ang mga residente para sa vaccination roll out ng siyudad.
Patuloy naman na hinikayat ng city mayor ang mga residente ng lungsod na makiisa sa ginagawang hakbang ng local government kontra COVID-19.
Kamakilan lang ay naiulat ang San Juan na may pinakamataas na bilang ng registrants para sa COVID-19 vaccination sa buong Metro Manila.