Problema sa transportasyon at kalsada sa Isabela, inihayag ng isang lokal na opisyal

Problema sa transportasyon at kalsada sa Isabela, inihayag ng isang lokal na opisyal

KASUNOD ng insidente ng pagbagsak ng isang Cessna plane patungo ng Maconacon, Isabela, tila nagsanga-sanga na ang problema sa usapin ng transportasyon sa ilang bayan sa lalawigan.

“Pagsakay namin ng eroplano, ‘yung kaliwang paa namin (tila) nasa hukay, kasi hindi mo alam kung makakarating ka ng maayos o safe and sound, ganoon ba,” ani Councilor Weng Corpuz, residente ng Palanan, Isabela.

Ganito kung ilarawan ni Palanan, Isabela Councilor Weng Corpuz nang amin siyang nakapanayam sa pamamagitan ng telepono kaugnay sa kanyang madalas na pagsakay sa Cessna plane sa tuwing kailangan niyang tumawid sa bulubundukin ng Sierra Madre patungo sa kanilang bayan.

Bagamat iba ang ruta nila sa bayan ng Maconacon kung saan hindi dumating ang Cessna 206 plane na may sakay na 6 na pasahero noong January 24, 2023.

Ayon sa konsehal, sadyang hirap ang biyahe sa kanilang bayan lalo pa’t kinakailangan din nilang tumawid sa matarik na bulubundukin ng Sierra Madre para makarating sa kanilang destinasyon.

Ang madalas nilang kalaban ay ang pabago-bagong panahon na minsan ay hindi matantiya.

“Bilang councilor ng Palanan, same lang kasi ang risk na pinagdadaanan ng Maconacon and Divilacan, with Palanan. Kasi isang bundok lang naman ‘yan, Sierra Madre lang naman talaga ang pagitan. At ‘yung situation namin during ganitong mga panahon, ‘yun kasi ‘yung time na tag-ulan sa amin, so, very risk ‘yung time na ganito from mag-i-start ‘yan ng ber, ber, ber. Pag mag-start na ‘yung ber, start na rin ‘yung mga pag-ulan, sunud-sunod na tag-ulan. Kaya niyang mga-ulan ng isang buwan, araw-araw na pag-uulan, halos bumabagyo ganoon, liliwanag man ng kaunti magkaroon ng good weather, pero kaunti lang,” ayon pa kay Coun. Corpuz.

Aminado ang opisyal na marami pa namang paraan para makatawid sa kanilang lugar, ang kaso, panay ang landslide kung kayat hindi matapos-tapos ang mga daan papunta sa kanila at sa mga karatig-bayan nito kasama na ang sa Maconacon Isabela.

“Sa ngayon po is walang by land. Noon nagkaroon from Ilagan to Divilacan pero nagkaroon ng landslide noong ‘yung malakas na bagyo noon, yung nabaha tayo, so, nagkaroon ng landslide doon sa daan papunta ng Divilacan, wala na kaming choice kundi airplane,” dagdag ni Corpuz.

Ang nasabing sentimiyento ay hindi nalalayo sa sitwasyon sa bayan ng Maconacon, Isabela.

Kaya naman agad namin tinungo ang sinabing alternatibo pang daan para makatawid sa bayan ng Maconacon.

Dito sa bayan ng Maconacon ilan sa pangunahing transportasyon para makatawid ang publiko ay ang pagsakay ng habal-habal o motorsiklo.

Isa sa hamon na kanilang kinakaharap dito ay ang hindi pa rin matapos-tapos ang daan.

Habang may mga kalsada dito at kasalukuyan pa na kinukumpuni.

Isa rin sa hamon ng mga tao dito ay ang kamahalan sa pamasahe dahil sa may kalayuan ang biyahe na inaabot ng 6-7 oras.

Ayon sa mga nakausap naming habal-habal drivers, naglalaro mula 1,000 pesos hanggang 1,500 pesos ang pamasahe ng bawat pasaherong manggagaling ng Cauayan City patungong Divilican hanggang Maconacon at aabutin ng 7 oras ang biyahe.

Kung sa eroplano naman sasakay ay aabutin ng 2,800-3,000 ang pamasahe, hindi pa kasama rito ang bayad para sa kanilang bagahe.

Para kay Tatay Villamor, na isang construction worker ng Ilagan-Divilacan Road at mag-aanim na taon na siya sa trabaho, malaki sana ang maitutulong ng daan dito sa mga residente, ang kaso, nahinto ang contruction ngayon sa hindi malamang dahilan.

Ang mahalaga lang din sa kanya ay magkatrabaho.

Sinusubukan naming kuhanan ng reaksiyon ang Provincial Planning Development Office ng probinsiya pero bigo kaming nakakuha ng impormasyon o paglilinaw sa isyu.

“Ewan ko sir, mga engineer lang ang makakasagot,” ayon kay Villamor, construction worker.

Samantala, bagamat bukas ang maraming residente na mapaunlad ang kanilang lugar, pero hindi sila pabor na sirain ang natatanging bundok ng Sierra Madre dahil ito lang din anila ang kanilang panangga tuwing may mga kalamidad na dumadating sa kanilang lalawigan.

“Kami po naman ay willing po kami doon sa daan na by-land pero, kapag talagang hindi pa rin kaya, kasi hindi naman ganoon kadali po ‘yung gagawa ng daan papunta sa coastal town dahil bundok nga. Ayaw din naming masira ang Sierra Madre dahil ‘yan din ang nananatiling panangga namin sa mga bagyo. Ang ano ko na lang siguro is ‘yung mga nag-ooperate ng mga airplane natin, yung commercial flights, sana i-well maintain naman ‘yung at saka kung alam natin na hindi naman kaya ang weather, huwag nang pilitin kasi sobrang hirap ang mawalan ng mahal sa buhay. ‘Yung isasakripisyo mong buhay at saka ‘yung buhay ng mga pasahero mo, may pamilya ang mga iyon,” dagdag pa ni Corpus.

Samantala, batay sa impormasyon, hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng plane crash sa bulubundukin ng Sierra Madre sa lalawigan ng Isabela.

Kaya hiling ng marami sa mga residente ng mga apektadong bayan ay ang maayos at ligtas na transportasyon para sa kanila at nang hindi na masundan pa ang isa pang eroplano na madidisgrasya at maghahatid ng mga inosenteng buhay sa bingit ng kamatayan.

 

 

Follow SMNI News on Twitter