Proclamation Rally ng Pastor Apollo C. Quiboloy for Senator Movement sa Pampanga, dinagsa ng mga supporter mula sa iba’t ibang lugar sa North Luzon

Proclamation Rally ng Pastor Apollo C. Quiboloy for Senator Movement sa Pampanga, dinagsa ng mga supporter mula sa iba’t ibang lugar sa North Luzon

ISA ang Pampanga sa nakiisa sa sabay-sabay na nationwide kick-off proclamation rally ng Pastor Apollo Quiboloy for Senator Movement na isinagawa noong Pebrero 11, araw ng Martes.

Inumpisahan ang proclamation rally ng malawakang motorcade na nilahukan ng mga supporter mula sa iba’t ibang lugar sa North Luzon, kabilang ang Pangasinan, Nueva Ecija, Baguio, at Pampanga.

Sinundan ito ng proclamation rally sa Sindalan Gym, San Fernando, Pampanga, na dinaluhan ng higit kumulang sa 2,000 supporters mula sa iba’t ibang sektor at grupo tulad ng Guardians, riders, mga kapatid na Muslim, barangay workers, ilang government officials, at indigenous peoples na Aeta.

Dumating sa pagtitipon ang mga kamag-anak ni senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy upang magpakita ng suporta sa kanyang kandidatura. Personal ding dumalo ang political vlogger ng Brothers Traveler na si Dan Chan, na nagbigay ng pahayag ng pagsuporta sa Kingdom of Jesus Christ leader.

“Hindi po siya politikong tao, leader. Hindi nangangako pero nagawa niya na. Kapampangan, Tagalo, Bisaya, basta ikaw ay Pilipino, dapat maging proud ka ni Pastor sapagkat hindi kurakot. Kung kurakot man po si Pastor Quiboloy, hindi makapagpapatayo ng Kingdom na may tala na sa kasaysayan—75,000 seating capacity. Hindi kayo magkakaroon ng Prayer Mountain, hindi kayo magkakaroon ng Glory Mountain kung kurap ang isang Pastor Quiboloy,” ayon kay Dan Chan, Political Vlogger.

Nagpahayag din ng suporta kay Pastor Quiboloy ang kinatawan ng United Frontliner Partylist na si Edwin Manitoba. Inihambing niya ang sitwasyon ng pastor kay Propeta Elias at ang pagpasok nito sa politika sa asin at liwanag sa dilim.

“Noon, akala ko kapag ikaw ay isang pastor, dapat hindi na nakikisawsaw sa politika dahil ito’y marumi. Subalit na-realize ko, saan ba talaga nararapat ang liwanag? Saan ba kailan naging pakinabang ang asin? ‘Di ho ba tayo asin ng sanlibutan? Eh bakit tayo lumalayo sa sanlibutan? Kapag ang asin ay nananatili sa kanyang lalagyan, hindi nagiging pakinabang. Kinakailangan ang asin ay lumabas sa kanyang lalagyan at makibahagi siya doon sa mga bagay na nangangailangan ng asin,” wika ni Edwin Manitoba, Kinatawan, United Frontliner Party-list.

Bahagi ng mensahe ni senatorial candidate Pastor Apollo C. Quiboloy ang dahilan ng kaniyang pagtakbo bilang senador:

“Marahil ay nagtataka ang karamihan sa inyo tungkol sa aking pagtakbo sa kabila ng aking kalagayan ngayon. Ako po si Pastor Apollo C. Quiboloy, lider ng isang religious community—ang Kingdom of Jesus Christ. Wala man akong karanasan sa politika, ngunit malawak ang aking pag-unawa sa pamamahala at pangangasiwa. Sa katunayan, sa loob ng 40 taon bilang pastor ng Kingdom of Jesus Christ, naiangat ko ang pamumuhay ng mga miyembro at misyonaryo sa KOJC at naitatag ang ilang mga organisasyon na tumututok sa pagpapahalaga sa tao at matugunan ang kanyang mga pangangailangan. Ito ang aking Exhibit A—ang Kingdom of Jesus Christ o KOJC. Limitado man ang aming resources, napalago ang simbahan mula sa Davao City hanggang sa iba’t ibang panig ng daigdig. Mula pa noon, aktibo ring tumutulong ang KOJC sa lipunan at pamahalaan sa pamamagitan ng mga humanitarian programs,” ayon pa sa Butihing Pastor.

Maririnig ang hiyawan at palakpakan mula sa mga supporters at volunteers sa Sindalan Gym sa bawat pahayag ni Pastor Quiboloy sa kanyang recorded video, na inilatag ang kanyang mga plataporma at adbokasiya.

Nakibahagi rin ang mga supporters sa malaking screen upang sabayang panoorin ang mga kaganapan sa pangunahing venue ng proclamation rally na isinagawa sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang kauna-unahang kick-off proclamation rally ng Pastor Apollo Quiboloy for Senator Movement ay sabay-sabay ring isinagawa sa Pacasiguran, Sorsogon; Liloan, Cebu; Ormoc City; Bacolod City; Iloilo City; Dipolog City; Koronadal City; Cagayan de Oro City; Butuan City; Digos City; Tagum City; at Davao City.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble