Produksiyon ng asukal, posibleng maapektuhan sa pagputok ng Bulkang Kanlaon

Produksiyon ng asukal, posibleng maapektuhan sa pagputok ng Bulkang Kanlaon

IKINABABAHALA ng ilang sugar producers ang pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island. Kung lalala kasi ito ay posibleng maapektuhan ang produksiyon ng asukal lalo’t kilala ito bilang major sugar producer ng bansa.

Ang tulay sa Sitio Mananawin, Brgy. Masulog sa Negros Oriental, matapos ang pagragasa ng lahar ay may kasamang tipak na mga bato mula sa Bulkang Kanlaon, araw ng Miyerkules.

Kasunod ito ng mga pag-ulan matapos ang pagbuga ng abo ng Bulkang Kanlaon.

Natabunan na rin ang kalsada sa Sitio Calapnagan, munisipalidad ng La Castellana habang patuloy ang pagragasa ng lahar sa katabing ilog.

Batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC, higit 2,000 indibidwal na ang apektado ngayon dahil sa pagputok ng bulkan.

Bukod diyan, nababahala na rin ang mga sugarcane farmer kung titindi pa ang ibinubugang abo ng bulkan.

Sabi ng Confederation of Sugar Producers Association (CONFED) malaking epekto sa mga pananim na tubo.

“Mamamatay ‘yan if too much ashfall, mamamatay ‘yang tubo, ‘yun damage ‘yan talaga,” pahayag ni Manuel Lamata, President, CONFED.

Ang Negros Occidental ay tinaguriang “sugar capital” ng bansa dahil 65 porsiyento ng produksiyon ng asukal ay nagmumula diyan.

Natatakot silang sapitin din ng kanilang probinsiya ang epekto at pinsalang idinulot ng pagputok noon ng Bulkang Pinatubo.

Kung lalala umano ang pagputok ng Bulkang Kanlaon ay siguradong maapektuhan ang produksiyon ng asukal at tatamaan ang presyo nito sa merkado.

“Definitely, lahat ay maapektuhan po garantisado ‘yan,” dagdag ni Lamata.

“Very concerning sa amin ito na taga-Negros. We are really scared …. We hope that it’s not going to be the same. I hope the volcano come back to sleep,” ani Lamata.

Kinumpirma na rin ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na may natukoy na mataas na acidity level sa sugarcane leaves at pati na sa lupang sakahan dahil sa ash fall.

Sabi ni SRA Administrator Pablo Azcona, dapat na nasa PH level lamang na 7 o neutral ang acidity sa mga tubong pananim.

Pero, ito ngayon ay nasa lebel na 4.4pH sa dahon ng tubo at 5.06pH sa ground soil.

Dahil dito, kinakailangan aniya ng soil rejuvenation para maibalik ang normal na lagay ng mga pananim na tubo.

“Ang effect most probably ay made-delay ‘yung harvest nila but then hindi naman maiiwan na abandoned ‘yung fields nila,” pahayag ni Pablo Luis Azcona, Administrator, SRA.

“We are continually watching it… to help them monitors ambient air quality and the ‘yung research station natin kasi ay malapit din sa Kanlaon din, ‘yung Lagaret. So, constant monitoring lang po,” aniya.

Apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon ang nasa 23,000 ektarya ng sugarcane sa ilang bahagi ng Negros Occidental at Negros Oriental.

Maging ang apat na mill districts nito ay napinsala rin.

Wala naman aniya dapat na ikabahala sa produksiyon ng asukal dahil minimal lang naman ang epekto nito.

Nakapaghatid na rin aniya sila ng tulong sa mga apektadong magsasaka.

“’Yung interventions ng SRA, we have about P2.5 million in funds … ‘Yung pinaka-important na concern natin was the availability of N95 mask for the farmers and employers stations near Kanlaon … Ang effort natin is towards clean drinking water kasi ‘yung sources of water nila ngayon is pinapasok ng lahar or mud flow … We are also giving out a bit of food and assistance. ‘Yung plans ng SRA ‘yung stage 3 natin just in case its worst doon na kami nag-prepare ng shelter sa research station just in case na kailangan,” saad ni Pablo Luis Azcona, Administrator, SRA.

Sinabi naman ng Department of Agriculture na wala pa silang natatanggap na halaga ng pinsala sa mga pananim dahil sa Bulkang Kanlaon.

Nagpapatuloy ang ginagawang validation ng ahensiya sa mga apektadong lugar.

Pinayuhan na rin ang mga magsasaka na dalhin sa mga itinalagang evacuation centers ang mga alagang hayop.

Nakahanda na rin ang tulong na ipagkakaloob ng DA sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

“Of course iyong una, iyong dun sa quick response fund. Pangalawa, iyong pagbigay natin ng assistance through survival and recovery loan. That’s a standard package na binibigay natin ‘pag may mga calamities,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Follow SMNI NEWS on Twitter