Proseso ng extradition ni ex-Cong. Teves, nasa huling yugto na—DOJ

Proseso ng extradition ni ex-Cong. Teves, nasa huling yugto na—DOJ

NASA “huling yugto” na ng proseso ang extradition ni da­ting Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.

Ito ang iniulat ng Department of Justice (DOJ), dalawang linggo mula nang ipahayag nito ang desisyon ng Timor-Leste na pagbigyan ang extradition request ng Pilipinas.

Sinabi ni Justice Undersecretary Jesse Andres na may 30 araw ang kampo ni Teves para maghain ng apela sa desisyon ng Timor-Leste.

“We are assuring, Mr. Teves, his right to due process in all aspects of the proceedings, including his right to file the motion for reconsideration on the decision to extradite him, and that will lapse in 30-days. So, we are very confident and we are on top of the situation,” ayon kay Usec. Jesse Andres, DOJ.

Si Teves ay nahaharap sa 10 counts ng murder, 12 counts ng frustrated murder at 4 counts ng attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51.

Siya ang itinuturong utak umano sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa noong Marso 2023.

Inilahad naman ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na naghahanda na ang prosekusyon sa pagbabalik ni Teves sa bansa.

“Ang ating gobyerno naman ay naghahanda para sa pagpapabalik sa dating Congressman Arnie Teves kasi malakas po ang aming belief, ang paniniwala na since there are no new evidence actually that may be presented dahil naiprisenta na lahat-lahat eh. Lima ho ang witnesses natin dapat diyan, dalawa pa lang ang narinig ng Timor-Leste Court of Appeals,” ani Usec. Raul Vasquez, DOJ.

Hinimok din ni Vasquez si Teves na harapin ang mga kaso laban sa kaniya.

Nabanggit naman ng opisyal na kahit anuman ang mangyari sa extradition process, mayroon pa aniyang isang bagay na puwedeng gawin ng Timor-Leste, ito ang deportation.

“Dahil undocumented na si dating kuwan… kanselado na po iyong passport niya eh. So either case, we are confident na babalik siya sooner or later. At sana po, para ho malagyan na po ng tuldok itong issue na iyan – kung may kasalanan siya o wala siyang kasalanan – magpunta na lang siya dito,” dagdag ni Vasquez.

Una nang ipinahayag ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na panalo na ang bansa sa extradition case matapos ipagbigay alam ng Attorney-General ng Timor-Leste na pinagbigyan ng korte ang pagpapauwi kay Teves sa Pilipinas.

Tugon naman ng legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, hindi pa tapos ang laban dahil maaari pa nilang iapela ang desisyon ng korte.

“Not so fast, Mr. Clavano. You have not won. Not by a long shot. For one, the judgment is still appealable, a recourse that we have every intention of taking,” ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel ni Arnie Teves Jr.

Dagdag pa ni Topacio – kahit na mapauwi dito sa Pilipinas ang kanyang kliyente ay kailangan pa nilang patunayan na may sala nga si Teves sa akusasyong pagpatay kay Degamo.

“And even if you bring Mr. Teves back, you will still have to prove him guilty in the face of recantations by all witnesses previously against him who were tortured and intimidated into testifying falsely against him” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble