MAS napapabilis at napapadali ang pagkuha at pag-renew ng NBI Clearance sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ito ang inihayag ni NBI Director Eric Distor sa one-on–one interview ng honorary chairman ng SMNI na si Rev. Dr. Pastor Apollo C. Quiboloy sa SMNI Exclusive.
Ayon kay Distor, dahil sa modernisasyon na isinulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hindi na mahihirapang magparehistro at mag-renew ng NBI Clearance ang mga Pilipino dahil maaari na itong gawin online.
Matatandaan na kamakailan lang ay dumating na ang mga makabagong kagamitan ng ahensya tulad ng forensic at authentication equipments na magagamit para sa mabilis na imbestigasyon ng NBI.
“Yung facial recognition, ikakabit na po ngayon Pastor. So, hindi na tayo maghahanap noong 2 valid government IDs. We will know kung ikaw ito. And then the automated fingerprint verification system, we will know also kung ikaw ba ‘yun,” pahayag ni Distor.
Kaugnay nito, inihayag ni Distor na tinututukan na ngayon ang 6 point star forensic para mas mapabilis ang pag-identify sa isang indibidwal.
“There should be a system, a hub that if an agent, even he’s abroad schooling, or dito sa table niya, he can access the profile of the subject na ini-interview niya,” ani Distor.
“So, I’m envisioning to have the 6-point star forensic to have a DNA profile, the iris-retina scanning, the odontology, the facial recognition, the biometrics, and as well as the criminal records system, in one click of a finger of our agents,” dagdag ng opisyal.
Para kay Distor, napakaraming legasiya ang iiwan ni Pangulong Duterte sa ahensya.
Kasunod ng modernisasyon na iiwan ni Pangulong Duterte sa NBI, umaasa si Distor na mapagkalooban din sila ng mga air asset ng susunod na administrasyon para sa kanilang operasyon.
“Number 1 po ‘yung pag-increase niya sa aming intelligence fund na halos noon ay limited masyado ang operation. Ngayon, the NBI can finance that kind of operation sa illegal drugs,” ayon kay Distor.
Samantala, iminungkahi ni Distor na dapat ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang laban kontra iligal na droga na sinimulan ni Pangulong Duterte.
Sinang-ayunan naman ni Pastor Apollo ang mungkahing ito ni Distor dahil kasama sa mga adbokasiya ng butihing Pastor ang kapakanan ng mga kabataan na pangunahing target ng iligal na droga.
“Itong laban sa droga dapat talagang paigtingin. Ito ‘yung nakakatakot na problemang ‘pag hindi natin kinaharap, masahol pa ito sa lahat ng problema. Pangalawa, itong CPP-NPA-NDF,” ayon sa butihing Pastor.
Bukod dito, dapat din aniyang tutukan ng susunod na administrasyon ang tumataas na cybercrime.
Sa isang datos na nailathala ng statistica.com, umabot sa 98.41 na libo na ang naitalang cyber attacks sa Pilipinas noong Hunyo 2021.
Samantala, tiniyak din ni Distor ang mabilis na aksyon ng NBI sa mga reklamong idinudulog sa kanila.
Pinayuhan din ang mga biktima ng panloloko o scam na huwag mag-atubiling dumulog sa kanilang tanggapan.