PINABIBILIS na ng Department of Transportation (DOTr) ang proseso ng pamamahagi ng fuel subsidy sa mga apektadong PUV drivers sa gitna ng patuloy na pagtaas ng halaga ng langis.
Humiling na ang DOTr sa Department of Budget and Management (DBM) ng pondo para ibigay ang ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa harap ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Hinihintay na lamang ng DOTr na maibigay ng DBM ang pondo.
Ayon kay Transportation Undersecretary Steven Pastor, nakipag-ugnayan na sila sa DBM upang mairelease na ang 2.5 billion pesos na pondo para sa fuel subsidy na manggagaling sa General Appropriations Act ng DOTr.
“Ngunit ang DOTr po kasama ang ibang ahensya like DBM, Department of Energy ay nagtulong-tulong na po para ma-implement agad itong fuel subsidy na ibinigay po sa atin,” ayon kay Usec. Pastor
Inaasahan naman ng LTFRB na sa susunod na linggo ay mairelease na ang nasabing budget.
“Yun po sana ang gusto natin kaya nga ho kahapon ay nagkaroon po tau ng pagpupulong pero gaya ng sinabi ni Usec. Pastor, tayo po sa DOTr, LTFRB ay handa na ipatupad ito, inaantay nalang po natin ang pagbaba ng budget,” ani Atty. Russet Tamayo – NCR Regional, Director, LTFRB.
Sakaling mailabas na ito ay makatatanggap ng P6,500 ang bawat driver.
Inaasahan na aabot sa 364,000 na driver ang magiging benepisyaryo ng fuel subsidy program ng gobyerno.
“Nasa kanila na ho kung paano din nila gagastosin ang ibibigay sa kanila,” ayon pa kay Tamayo.