Proseso sa pag-aampon, mas pinadali sa RA 11642

Proseso sa pag-aampon, mas pinadali sa RA 11642

MAS pinadali na ang pagproseso ng pag-aampon ng bata sa bansa sa ilalim ng Republic Act 11652 o ang “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act of 2022”.

Ito ay ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nilagdaan nitong Martes ng hapon sa Diamond Hotel sa Maynila ang isang batas na layong pabilisin ang pag-aampon ng bata sa bansa na pinangunahan ng DSWD.

Mula sa naturang batas ay mas mapadadali ang kagustuhan ng bawat magulang na mag-ampon ng bata dahil wala na itong dadaanan pang korte at maari nang idiretsong ihain sa National Authority for Child Care (NACC).

Sinabi naman ni Usec. Glenda Relova, executive director ng NACC na tinatayang nasa P5,000 lang ang babayaran para sa pag-file ng petisyon para sa domestic adoption.

Aniya sa oras na makumpleto ang papeles ng bawat magulang ay tinatayang nasa 6-9 na buwan na lang ang hihintayin.

Mas mabilis ito kung ikukumpara noon na nasa 2-8 taon pa ang aantayin bago maaprubhan.

Masusi namang dadaan sa psychological test ang mga nais mag-ampon upang matiyak na sila ay kwalipikado at hindi maabuso ang bata.

Sinabi ni Senator Grace Poe na isa sa mga principal sponsor ng batas, lahat ay pupuwedeng mag-ampon hangga’t ito ay may kapabilidad.

Mababatid na si Sen. Poe ang ampon na anak ng mga yumaong artista na si Susan Roces at FPJ.

Sinabi pa ng senadora na tadhana na natapat ang pirmahan ng implementing rules and regulations (IRR) kahapon ng Hunyo 28 kung saan ito rin ang 40th day ng pamamaalam ng kanyang ina.

Samantala, tiniyak naman ni DSWD Sec. Rolando Bautista na magpapatuloy ang naturang polisiya at programa na may kaugnayan sa mga bata.

Follow SMNI NEWS in Twitter