Proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino, tiniyak ng Marcos admin

Proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino, tiniyak ng Marcos admin

TINIYAK ng Marcos administration ang proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino.

Inilunsad kahapon ang pinakamalaking ‘Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa’ sa SMX Convention Center, Pasay City nitong weekend upang gunitain ang Labor Day ngayong taon.

Maliban sa murang bilihin ay itinampok din ang isang malawakang job fair.

“Ako naman po ay nagagalak na makasama kayo sa araw na ito upang salubungin at gunitain ang Araw ng Paggawa at ng mga Manggagawa. Ito ang aking unang pagkakataon sa aking termino bilang inyong Pangulo na gawin ito,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Patuloy ang pagbibigay-prayoridad at pagpoprotekta ng administrasyong Marcos-Duterte sa mga manggagawang Pilipino.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Marcos sa kaniyang talumpati para sa ika-121 na selebrasyon ng Araw ng Paggawa.

Nitong Abril 30, bago ang Labor Day celebration, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng mga tulong na ginanap sa SMX Convention Center sa Pasay City.

Nakiisa si Pangulong Marcos sa pagbabahagi ng tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mahigit 1,400 na benepisyaryo.

Kabilang sa tulong na ipinamigay ay mula sa TUPAD and Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin ang Government Internship Program (GIP), Special Program for Employment of Students (SPES), at may tool kits mula naman sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

“Asahan po ninyo na hindi kailanman magpapabaya ang inyong pamahalaan sa larangan ng paggawa at empleyo, lalo na sa ilalim ng aking pamamalakad. Bilang Pangulo, ipinapangako ko na ang proteksiyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking administrasyon,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Inihayag naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang tema sa 121st Labor Day celebration ngayong taon ay “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”

Sumasalamin at sumasagisag aniya ito sa marubdob na pangarap at layunin ng administrasyon na maipagkaloob at makamtan ng bawat pamilyang Pilipino ang isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay.

Samantala, pinasaya ni Pangulong Marcos ang mga manggagawang Pilipino sa ginawang house and lot raffle.

Mula sa dapat na 3 winners lamang, ginawa na itong 5 winners  na nagbigay galak sa mga manggagawang Pilipino.

Trabaho at murang pagkain, hatid ng job fair at ‘Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa’; aktibidad, pinangunahan ni Pangulong Marcos.

Bago nagsimula ang programa, tiningnan muna ni Pangulong Marcos ang mga isinagawang jobs, livelihood and business fairs.

Tampok dito ang 902 participating employers na may tinatayang bilang na 82,000 vacancies mula sa iba’t ibang industriya.

Kabilang dito ang business process outsourcing (BPO), pagmamanupaktura, retail and services, insurance activities at food service.

“Mahigit na 50,000 na hanapbuhay sa buong bansa ang dala-dala ng job fair na ito; at 12,000 ng mga trabahong ito ay nandito sa Metro Manila,” ayon pa sa Pangulo.

Kasabay ng job fair, binuksan din ang ‘Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa’ sa SMX na pinangunahan din ni Pangulong Marcos.

Nasa 150 na business owners ang lumahok sa aktibidad upang makapagbenta ng mura at de-kalidad na mga produkto sa publiko.

“Nandidito rin ang ‘Kadiwa ng Pangulo para sa mga Manggagawa’, na atin nang napatunayan sa kakayahan nitong gawing mas mababa ang presyo ng bilihin at tulungan ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga MSMEs o maliliit na negosyo,” aniya.

Samantala, sinaksihan naman ng Punong-Ehekutibo ang paglagda sa isang memorandum of understanding (MOU) at memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng DOLE at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Layon ng naturang MOU at MOA na suportahan at palakasin pa ang labor force sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan, paglikha ng trabaho at skills training at iba pa.

Inaatasan naman ni Pangulong Marcos ang ilang ahensiya lalong-lalo na ang DOLE, na manatiling nakatuon sa paghahatid ng mga maiinam na programang panghanapbuhay at sa paglinang sa kaalaman at kasanayan ng mga manggagawang Pinoy.

Follow SMNI NEWS in Twitter