PSA: Construction industry, may pinakamalaking pagtaas sa employment noong Disyembre

PSA: Construction industry, may pinakamalaking pagtaas sa employment noong Disyembre

ISA sa mga industriyang may pinakamalaking pagtaas sa employment ay ang construction partikular na sa mga pagpapatayo ng mga bahay.

Maganda ang naging Christmas at New Year ni Mang Jaime, isang construction worker.

Tuluy-tuloy aniya ang trabaho sa itinatayong condominium sa Quezon City noong Disyembre.

At dahil may trabaho, maayos niyang naitatawid ang pang-araw-araw na pangangailangan nila.

“Tuluy-tuloy kami po sir hanggang ngayon. Siyempre makaraos ka ng buhay mo, pagkain sa mga anak, pag-aaral,” ayon kay Jaime, Factory Construction Worker.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), isa ang industriya ng construction sa may pinakamalaking pagtaas sa bilang ng may trabaho noong Disyembre sa year-on-year basis.

Mula 4.31-M, tumaas ang bilang ng mga nagtatrabaho sa nasabing industriya sa 5.08-M.

Sinabi ni National Statistician Usec. Dennis Mapa na ang pagpapatayo ng mga bahay ang may malaking kontribusyon sa pagdami ng trabaho sa construction industry.

Kabilang na rin diyan aniya ang programang pabahay ng administrasyong Marcos.

“Housing ang malaki na nagcontribute dito. So I understand, for example, ‘yung government natin ‘di ba may malaking housing projects. So puwedeng dito na. Kasi ang nakalagay dito, substantial siyang ‘yung construction of building na residential and kasama rin ‘yung non-residential,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.

Higit 50-M Pilipino, may trabaho noong Disyembre—PSA

Sa kabuuan, mas dumami ang mga Pilipinong may trabaho noong Disyembre ng 2023 na bahagyang tumaas sa 96.9 porsiyento mula sa 95.7 porsiyento sa kaparehong buwan ng 2022.

Katumbas ang 96.9 porsiyento na employment rate sa mahigit 50-M Pilipino na may trabaho.

Maliban sa construction industry, tumaas din ang employment sa mga industriya ng agrikultura at forestry, accommodation at food services activities, transportation at storage, at sa human health at social work activities.

Malaki rin ang ibinaba ng bilang ng mga walang trabaho sa year-on-year basis.

May trabaho sa wholesale at retail trade, malaki ang ibinaba—PSA

Pero bagama’t gumanda ang pasok ng mga trabaho sa mga nasabing industriya, may malaking pagbaba naman sa wholesale and retail trade noong Disyembre partikular na sa food sector.

Iyan ay kahit na holiday season.

Paliwanag ni Mapa, malaki kasi ang naging epekto ng inflation kaya bumagal ang paggasta ng mga Pilipino sa pagbili ng mga produkto pagdating sa food consumption.

“Yung inflation may impact talaga doon sa food consumption. So dito nagpakita rin,” dagdag ni Mapa.

Samantala, nakikita naman ng PSA na tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may trabahoo nitong Enero 2024.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble