NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag ipatawag ang miyembro ng Presidential Security Group o PSG para magbigay ng kanilang testimonya sa harap ng gagawing imbestigasyon nito kaugnay ng isyu ng pagpaturok ng COVID vaccine na hindi rehistrado ng Food and Drug Administration (FDA).
Sinabi ni Pangulong Duterte na magkakaroon ng krisis sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo kung ipatatawag ng Kongreso ang PSG.
Pinatatahimik din ng Presidente ang mga miyembro ng PSG sakaling humarap na ang mga ito sa pagdinig.
Inihayag pa ng punong ehekutibo na sakaling i-contempt ang PSG members, ay mismo siya ang pupunta sa Senado o Kamara para kunin at palayain ang mga ito.
“So huwag mo silang pakialaman because they’re… Two things may happen: I will ask them to shut up and not to answer any question, and I’m not threatening, please do not cite them in contempt by detaining them, I will not allow it. Pupunta ako diyan sa Congress, kukunin ko sila,” pahayag ng pangulo.
Giit pa ni Pangulong Duterte sa Kongreso na huwag aniyang pilitin ang kanyang mga sundalo na maglahad ng na ilang testimonya hinggil sa nangyaring pagpabakuna.
“Do not force my soldiers to testify against their will. At huwag ninyong i-contempt-contempt na i-detain ninyo. I do not think it will be good for you and for me. It would not be healthy for everybody,” ani Duterte.
Depensa pa ni Pangulong Duterte, mahalaga para sa kanyang close-in security na mabakunahan laban sa COVID-19 lalo na sa uri ng kanilang trabaho.
Saysay pa ng pangulo, napipilitan ang mga miyembro ng PSG na humalo sa publiko sa tuwing bumibisita siya sa iba’t-ibang mga lugar para maiwasan ang mga untoward incidents.
Kaya, karapatan din aniya ng mga sundalo sa self-preservation ang kanilang pagpabakuna dahil kailangan nila ng proteksyon kontra sa nakamamatay na virus.
“To me, it’s a matter of self-preservation. Iyan lang. Whatever be your objection, whatever be your criticism, para sa akin, it is a matter of preservation,” tugon ng pangulo.
Una nang inihayag ng Malakanyang na handa ang Presidential Security Group (PSG) na harapin ang kahihinatnan ng kanilang pagpapabakuna sa COVID-19 vaccine.