IPINAGBAWAL ng Philippine National Police (PNP) sa publiko ang public display of affection bilang bahagi ng maigting na pagpapatupad ng health protocols dahil sa pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila.
Nakatutok ngayon ang PNP sa pagmonitor sa mga young professional sa pagitan ng mga edad 20 hanggang 35 taong gulang.
Ito’y matapos maitala na mula sa naturang age group ang bilang ng kaso ng COVID-19 nakaraang linggo.
“Yung public display of affection kasama rin po yan kasi alam naman po natin nagre-open ang economy, marami pong mga namamasyal, marami pong mga tao na sadya talagang na-miss din nila ang kanilang pagsasamahan. There were findings as well na sila rin ang mga nahuhuli ng mga pulis nandoon sa mga bars, sa mga tourist destination na mga barkadahan and all. We probably might as well advice them na kung sakali medyo ihinay-hinay pa rin yung kanilang exposure,” pahayag ni PBGen Ildebrandi Usana.
Hinihikayat din ng PNP ang publiko na isangguni ang lumalabag sa mga health protocol.
Nitong Lunes naitala ng pamahalaan ang mahigit 3,000 na bagong kaso ng COVID-19 sa apat na magkasunod na araw.
Matatandaan na muling nagpapatupad ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police ng panghuhuli sa mga ‘di sumusunod sa mga health protocol matapos ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila
“Napansin po kasi natin na naging kampante ang ating mga kababayan. Nagkaroon na po tayo ng tinatawag na COVID-fatigue. At hindi lang po ‘yan ang ating mga kababayan, kahit po ‘yong ating mga nag-e-enforce, ‘yong ating kapulisan ay nagkaroon na rin po ng COVID–fatigue,” ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya.
Ani Usec Malaya, si DILG officer-in-charge Bernardo C. Florece, Jr. ang nag-utos sa nasabing crackdown para sa mga lumalabag sa mga pinatutupad na health protocol.
Sa mga first time offender, maaari itong bigyan ng warning ngunit sa mga pangalawa at pangatlong paglabag, maaari na magmulta o makulong.