NASA higit limang libong estudyante ang kasalukuyang nag-aaral sa Batasan Hills National High School sa Quezon City.
Isa ito sa mga paaralan sa bansa na may pinakamaraming estudyante.
Dahil sa dami ng mga mag-aaral sa nasabing eskwelahan, nananatiling hamon dito ang kakulangan ng mga silid-aralan.
“Hindi po kasi lumalaki ang mga eskwelahan pero dumadami ang populasyon. So sa hinaharap tataas talaga ‘yung populasyon kung hindi natin tutugunan kaagad,” wika ni Joseph Palisoc, Principal, Batasan Hills National High School.
“Nagkakaroon ng backlog,” ani Palisoc.
Ang Batasan ay may 105 classrooms.
Sa ngayon ay nagpapatupad sila ng double shift classes kasabay ng blended learning.
Ibig sabihin may tatlong araw na in-person classes ang mga estudyante at dalawang araw naman para sa kanilang online na klase.
“Sa ngayon ‘yun ‘yung clamor ng both parent at tsaka ng mga estudyante na mas prefer nila ‘yung onsite,” dagdag ni Palisoc.
Para i-accommodate ang higit limang libong estudyante sa Batasan, kinakailangan nila ng dagdag na 235 classrooms para sa single shift na klase o 65 classrooms para sa double shift na klase.
Batay sa National School Building Inventory ng Department of Education noong 2023, tinatayang umaabot sa higit 165,000 ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.
Tinataya namang nasa P413.6B ang kinakailangang pondo upang mapunan ang mga kakulangang ito.
Upang tugunan ang matagal nang problema sa kakulangan ng silid-aralan, tinitingnan ngayon ng Department of Education ang public-private partnerships bilang isang solusyon sa nasabing problema.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara itinutulak nila ang PPP kung saan target nilang magpa-bid ng isang libong school buildings at iaalok sa private sector para itayo ang mga ito.
“Ang tinutulak natin ngayon is mag-PPP tayo, public-private partnerships. Ibig sabihin, malakihan, bulto-bulto, 1,000 classrooms. Magpapa-bid tayo ng isang libong school buildings at i-o-offer natin sa private sector na magko-construct,” saad ni Secretary Sonny Angara, Department of Education.
Ipinanawagan din ni Angara na paigtingin ang kamalayan tungkol sa Adopt-A-School Program kung saan nabibigyan ng tax benefits ang mga mga kompanyang sumasali o tumutulong sa nasabing programa.
“Baka hindi alam noong ibang negosyante o ibang nagdo-donate, ibang charitable organizations, ipaalam niyo sa kanila na kapag nagdo-donate sila ng school building, maide-deduct nila doon sa kanilang taxable income,” dagdag ni Angara.