SINEGUNDAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ng isang tech expert na hindi ligtas ang mga public WiFi sa cybercrime.
Sa panayam ng SMNI News kay PCapt. Michelle Sabino, spokesperson ng PNP Anti-Cybercrime Group, mayroon aniyang nakakapasok na virus sa mga pampublikong WiFi na nagnanakaw ng mga impormasyon ng isang tao.
Nauna nang sinabi ng tech expert na si Art Samaniego na maaaring makakuha ng impormasyon o mahahalagang datos ang cyber criminals nang hindi napapansin habang ang isang tao ay nakakonekta sa public WiFi.
Halimbawa na rito ang pagkuha ng access sa bank details ng biktima.
Dagdag-paalala pa ni Samaniego, kung magsasagawa ng financial transaction gaya ng GCash, Maya o mga bangko at kaya ay may sensitive information na ipadadala, iwasang gumamit ng public WiFi.
Samantala, nagbigay rin ng babala ang PNP hinggil sa libreng charging stations dahil posibleng mananakaw rin ang impormasyon dito.