PINAALALAHANAN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko kaugnay sa tinatawag na love scam.
Ipinaliwanag ni Director Rojun Hosillos na ito ay nangyayari sa mga nagkakaroon ng kakilala o kasintahan online at matapos ang ilang araw o linggo ng pakikipag-usap ay magpapadala umano ng regalo ang scammer sa kanyang biktima subalit palilitawin na naharang ng Customs ang kahon kaya kailangan nitong magpadala ng pera para mailabas ang ipinadalang kargamento.
Sa kanilang pagtaya ay aabot anya sa libu-libong love scam ang naipapadala sa pamamagitan ng mga links base na kanilang mga ni-raid na scam hubs.
Matatandaang kamakailan lang ay isang Pinay ang naaresto sa NAIA matapos i-claim ang kargamentong padala sa kanya ng isang foreign national na nakilala lang niya online, subalit ito pala ay naglalaman ng hinihinalang shabu.