Publiko, binalaan sa paggamit ng libreng public WiFi

Publiko, binalaan sa paggamit ng libreng public WiFi

PINAG-iingat ngayon ng isang tech expert ang publiko na gumagamit ng libreng public WiFi.

Maaari kasing makakuha ng impormasyon ang mga cyber criminals ng mga mahahalagang datos mo nang hindi mo napapansin habang ikaw ay nakakonek sa mga public WiFi.

Likas na sa mga Pinoy ang maghanap ng libreng WiFi lalo na sa mga pampublikong lugar.

Mayroon naman kasi access dito kagaya ng free WiFi sa mga istasyon ng tren.

Kadalasan din na may libreng WiFi sa mga hotel at mall.

Pero, nagbabala ang tech editor na si Art Samaniego na puwedeng manakaw ang user account information at password dito.

“May mga nagpapaggap na public WiFi. Ang tawag doon ‘evil twin.’ So eto yun… Kita ba? So ang gagawin nito, kokopyahin ko yung ang pangalan ng access point. Halimbawa LRT-1, so kokopyahin ko. Pero lahat ng kumo-connect dito makakapag internet sila. Pero, nakikita ko kung saan sila nagpupunta, ano yung mga nilalog-in nil ana mga password at log-in name. Pag nakopya ko na yun, susubukan ko nang i-access ang mga account nila,” ayon kay Art Samaniego, Tech Editor, Manila Bulletin.

Ani Samaniego, marami nang nabiktima ang mga scammer sa nasabing modus.

Lalo na ang pagkuha ng access sa bank details ng biktima.

“So ito yung ginagamit. Ang tawag dito WiFi pineapple. Isa to sa mga ginagamit ng scammer para maka-kopya ng access point. So delikado yung mga publicly available access point na akala mo legit, akala mo nakalagay mall, akala mo yung coffee shop ang may-ari pero yun pala ibang tao na yung nag set-up nun,” dagdag ni Samaniego.

Payo naman ni Samaniego sa ating mga kababayan…

“Kaya ang solusyon natin niyan, pag gagawa ng financial transaction… GCash, Maya o mga bangko at pag may sensitive information kayong ipinadala, huwag na huwag gumamit ng public WiFi. Gumamit ka ng data noong telepono mo. Galing sa telco mo, at mas safe iyon kaysa doon sa publicly available wifi,” payo ni Samaniego.

Ang gobyerno, mahihirapang sugpuin ang problema.

Kaya massive public information ang kailangan ani Samaniego para hindi mabiktima.

“Thank you very much SMNI, laging pag merong ganitong mga issues laging active kayo sa pag-inform sa public. Sa mga users naman dapat, well suggestion naming gumamit kayo ng virtual private network o yung tinatawag na VPN. Para hindi kayo ma-trace atleast meron kayong protection laban sa mga gustong mag surveillance sa inyo,” ani Samaniego.

Minungkahi rin nito ang madalas na pagpapalit ng password sa mga account.

Pati na ang paggamit ng two-factor authentication sa paglog-in.

Follow SMNI NEWS in Twitter