Publiko, binalaan vs cybercriminals kasunod ng insidente ng data breach sa isang kompanya

Publiko, binalaan vs cybercriminals kasunod ng insidente ng data breach sa isang kompanya

NAGLATAG ng ilang suhestiyon ang National Privacy Commission (NPC) upang maprotektahan ang personal account ng bawat indibidwal laban sa cybercriminals.

Ito ay kasunod ng nangyaring data breach sa customer information ng isang kilalang fast food chain.

Batay sa report, kasama sa mga nakuhang impormasyon ng mga customer ang pangalan, contact number, ID, at address.

Kasunod nito, sinabi ni Atty. Rainier Anthony Millanes, ang chief ng Compliance & Monitoring Division ng NPC, may posibilidad na ang mga datos na nakuha rito ay magamit ng mga masasamang loob o ang mga tinatawag na cybercriminal.

Aniya, maaari itong gamitin sa pekeng transaksiyon at identity theft o puwede ring ibenta sa mga sindikato at mauwi sa pangingikil.

“Pero most probably ‘yung information na to ay gagamitin for proliferation o pagdami muli ng mga scam o text scam phishing leak.”

“Kaya mahigpit na payo ng NPC sa mga Pilipino, dapat maging matalino, mapagmatyag, mapanuri at ipagbigay-alam agad sa mga kinauukulan kung nakararanas o nakatatanggap ng phishing email o scam texts,” ayon kay Atty. Rainier Anthony Millanes, National Privacy Commission.

Inilahad pa ni Atty. Millanes na mas maigi rin kung laging magpalit ng password.

Pero mas makabubuti aniya na paganahin ang multi-factor authentication upang magbigay ng karagdagang layer ng seguridad para sa iyong mga account.

“Kasi masasabi ko ‘yung password protection which is single factor authentication it is almost 2 decades obsolete kung may posibilidad po na enable natin ang ating multi factor authentication tayo na po enable natin to para sa dagdag na proteksyon at proteksyon ng ating mga account kung saan nanduon ang atin mga personal na datos,” wika ni Atty. Millanes.

Una nang kinumpirma ng National Privacy Commission (NPC) na 11 milyong customer ng Jollibee Foods Corporation ang nanganganib na mabiktima ng scam dahil sa nakompromisong personal data.

May abiso naman ang NPC sa ibang mga kompanya para hindi matulad dito.

“Inaabisuhan ko na po ang mga kompanya na may big data processing tulad ng Jollibee na mag beef up na po kayo,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble