Publiko, hinikayat na huwag magpaloko sa mga banta ng SIM card suspension mula sa pekeng DICT employee

Publiko, hinikayat na huwag magpaloko sa mga banta ng SIM card suspension mula sa pekeng DICT employee

ISNABIN ang mga kahina-hinalaang tawag. ‘Yan ang payo ngayon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko para maiwasan na maloko ng mga pekeng empleyado ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa ngayon daw kasi ay may bagong modus o style ang mga scammer para makakuha ng personal information o account mula sa isang tao.

Magpapanggap itong DICT employee at tatakutin ka na masususpinde ang iyong SIM card dahil nasangkot daw ito sa kung anong uri ng kriminalidad o paglabag.

Sasabihin nitong naiparehistro mo ang ganitong numero pero magtataka ang biktima dahil hindi naman iyon ang cellphone number niya.

Ang isang biktima, nai-record ang pang-ii-scam at pananakot sa kaniya ng isang caller na nagpakilalang siya si Nikki Garcia mula sa DICT.

Ang scammer, ipapa-confirm nito sa biktima ang totoo niyang numero.

Pagkatapos, magbibigay ito ng link sa biktima kung saan kailangan niya itong i-access para hindi masuspend ang kaniyang SIM card.

Sa oras na kumagat ang biktima sa patibong, ay makukuha na ng scammer ang personal information o account ng biktima.

“You know if you say your number, kino-confirm niya ‘yong number mo, you are being recorded di ba so that is one.  The second stage is that there is a link that you have to click and then they will suggest, oh may ipapadala akong code sayo para mawala ka dito..sa list na ito para maging compliant ka na not knowing that it is an OTP o account take over,” wika ni Alexander Ramos, Executive Director, CICC.

Kaya babala ng DICT, ‘wag papaloko sa ganitong bagong modus lalo pat ‘di raw gawain ng DICT ang tumawag sa mga subscribers.

Sa ngayon raw ay marami nang tumatawag at nagre-report ng ganitong modus.

“Wala pong katotohanan na ang DICT ay nag-a-announce at tumatawag nang personal sa ating personal na cellphones at wala pong katotohanan na tayo o any government agency na kumukuha ng personal information online. Kung kayo ay makakatanggap ng tawag o message na hihingi ng personal information, magpapakilala na gov’t. agency ‘yan po ay malamang na isang patibong o isan klaseng scam,” saad ni Alexander Ramos, Executive Director, CICC.

Tinitrace na ng DICT kung kanino nakarehistro ang number na ginagamit ngayon para sa ganitong uri ng scam.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble