NANAWAGAN si PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa sa publiko na manatili na lamang sa mga bahay kung hindi mahalaga ang gagawin sa labas.
Ito ay matapos muling umiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at karatig-lalawigan.
Ayon kay Gamboa, tulong na rin ito ng publiko sa medical frontliner, police frontliner, at mga tanod at kawani ng barangay na halos limang buwan nang nakikipagbuno sa pandemya.
Sa ilalim ng MECQ guidelines, isang tao lamang ang papayagan na lumabas para bumili ng mga kinakailangan sa bahay upang maiwasan ang non-essential travels.
Gayundin, kinakailangan ang quarantine pass para sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na ipapakita naman sa mga checkpoint.