Publiko, pinaalalahanan sa health protocols dahil sa pagpasok ng Omicron variant sa bansa

MAHIGPIT na pagsunod sa mga health protocols at pagpapaigting ng contact tracing ang siyang apela ngayon ng dalawang senador sa publiko at sa mga health officials kasunod ng kumpirmadong kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa bansa.

Kasunod ng pagpasok ng dalawang imported na kaso ng Omicron variant ng COVID-19 ay hinimok ni Senator Christopher Bong Go ang publiko na mas paigtingin pa ang pag-iingat ngayon.

Sa ulat ng DOH nitong Miyerkules, ang kaso ng Omicron variant ay nagmula sa isang returning Filipino galing Japan at sa isang Nigerian national na galing sa bansang Nigeria.

Ayon kay Go na siyang chairman ng Senate Committee on Health, mas mainam na hangga’t maaari ay mag-stay at home na lamang ang mga kababayan at sundin ang lahat ng mga minimum health standard na ipatutupad ng mga otoridad.

Mula pa noon kahit bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay paulit ulit ang payo ni Go  na hindi pa rin dapat magkumpyansa ang publiko sa banta ng virus.

“Gaya ng sinabi ko noon pa, huwag talaga tayong magkumpiyansa habang andyan pa ang banta ng COVID-19,” pahayag ni Senator Go.

“Delikado pa talaga. Kailangang patuloy lang tayong maging alerto at sumunod sa mga itinakdang health protocols, gaya ng pagsuot ng mask at pag-obserba sa social distancing, palaging paghugas ng kamay at pananatili sa bahay kung hindi naman kinakailangan lumabas.”

Hinimok din nito ang mga health officials at mga eksperto na agad na pag-aralan kung kailangan na bang maghigpit ulit o kung kailangang itaas ang alert status sa bansa.

“Sa mga health officials at experts, pag-aralan dapat kung kailangang itaas ang alert status. Balansehin nang mabuti, lalo na ngayong magpa-Pasko na at tradisyong magkakasama ang magkakapamilya,” ani Go.

Sa kasalukuyan ay nasa Alert Status 2 ang Pilipinas hanggang Disyembre 31.

Samantala,  naniniwala naman si Senator Ping Lacson na contact tracing ang magiging susi sa pagpigil sa pagkalat ng Omicron variant.

Para sa senador, kailangang tutukang maigi ng gobyerno ang pagtunton sa mga indibidwal na nagkaroon ng contact sa dalawang kaso ng bagong variant na nakumpirma kamakailan ng Department of Health (DOH).

“Contact tracing is key. The two have been here for quite a while. I hope all their co-passengers – and those whom they got in contact with before the detection of the Omicron variant – are all accounted for and closely monitored,”pahayag ni Lacson.

Ayon kay Lacson, dapat gawin ng gobyerno ang lahat para maiwasan ang pagkalat ng Omicron variant  dahil posible itong makadagdag sa pinsala na inabot ng pandemya sa ating kalusugan at ekonomiya.

“It bears repeating that while the government must learn from past lapses to deal with the new variant, the public must also do their part by observing distancing and other health protocols,” ani Lacson.

Sa ngayon sa update ng DOH, pareho nang naka-isolate sa isang pasilidad ng Bureau of Quarantine ang dalawang indibidwal na nahawaan ng Omicron, habang bineberipika ng DOH ang kalagayan ng mga nakasama nilang pasahero sa eroplano.

Matatandaan na noong Nobyembre 24 sa South Africa nang unang ma-detect ang Omicron at mabilis na nakapasok sa maraming mga bansa.

SMNI NEWS