KINUMPIRMA ng Manila Police District (MPD) na tumataas na nitong buwan ng Disyembre ang kaso ng krimen sa lungsod ng Maynila.
Inihayag ni PBGen. Andre Dizon ang district director ng MPD na naka-deploy na ang mga pulis sa lungsod ngayong Kapaskuhan.
Sa isang pulong balitaan na ginawa sa Maynila, higit apat na libong police personnel ang naka-deploy ngayong holiday season.
Aniya, nakahanda na rin ang kapulisan sa pagtugon ng anumang krimen na posibleng mangyari sa lungsod.
Mula sa mga lugar na dagsa ng mga tao gaya ng Divisoria na sentro ng pamilihan sa Kalakhang Maynila at hanggang sa mga simbahan sa lungsod.
“Nakalatag na po ‘yung police coverage natin sa Christmas at New Year na kung saan buong pulis natin, buong pwersa ng Police Maynila ay idi-deploy natin sa kalsada and doon sa mga places of convergence. Ngayong Simbang Gabi ‘yung siyam na araw na ‘yan, siyam na madaling araw ay makikita po ‘yung ating mga pulis na nasa paligid ng simbahan. Sila po ay magbabantay at handang magbigay ng kanilang police assistance sa mga may nangangailangan po,” pahayag ni Dizon.
Aminado rin si Dizon na simula Nobyembre at ngayon Disyembre ay tumataas na ang bilang ng crime rate sa lungsod gaya ng pagnanakaw.
Kaya isa ito sa mga pangunahing tinututukan ng kapulisan ngayong Kapaskuhan.
“Itong November, December, tumaas but bilang lang po sa daliri ‘yung nangyari na robbery and thief dito sa lungsod. Very minimal lang po,” ayon kay Dizon.
Nagpaalala rin ang MPD na dahil maraming dumarayo sa Maynila, asahan na ang mabagal na daloy ng trapiko sa lungsod, kailangan lamang magbaon ng maraming pasensya.
MGA KAUGNAY NA BALITA:
Alkalde ng Maynila pinangunahan ang pag-ilaw sa higanteng Christmas Tree ng lungsod
170 kabataan sa Sta Mesa, Maynila, nakatanggap ng maagang pamasko mula sa PCG