Publiko, pinaiiwas ng DOH sa 3 “ma” o maalat, mataba at matamis na pagkain ngayong holiday season

Publiko, pinaiiwas ng DOH sa 3 “ma” o maalat, mataba at matamis na pagkain ngayong holiday season

ILANG araw na lang at Pasko na—kaya naman asahan ang ang kabi-kabilaang handaan.

Pero siyempre, mas masaya at masarap pa rin ang salu-salo kapag ligtas ang preparasyon sa mga handa at may disiplina sa pagkain.

Kaya naman ang Department of Health (DOH), may paalala sa publiko.

Sinabi ni Health Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na ang mga pagkain na dapat iwasan o huwag nang kainin kung kakayanin ay ang mga pagkain na masyadong maalat, mataba, at matamis.

Ito kasi ang kadalasang naging sanhi ng iba’t ibang sakit gaya ng altapresyon, diabetes at iba pang non-communicable diseases.

Kasamang iniuugnay rito ang isyu ng overweight at obesity na nagdudulot ng problema sa puso at iba pang bahagi ng katawan.

“Iyang tatlong ‘yan—asin, asukal, at taba. Ang mga sakit na nangyayari iyan ‘yung ating una; iyong altapresyon iyong high blood pressure, kapag masyado kasing maalat iyong ating kinakain, iyong asin na pumapasok sa katawan natin sa pamamagitan ng pagkain nagiging sanhi iyan para iyong presyon ng dugo ay tumaas.”

“Sa ating puso naman, puwede rin magkaroon ng heart attack dahil—kung lalo na kung iyong matatabang pagkain na kinakain natin nagbabara iyan ‘no, nagiging cholesterol plaques sa ating mga ugat sa puso at iyon ‘yung magiging sanhi noong tinatawag na heart attack,” wika ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Paalala pa ng DOH para sa Ligtas Christmas ang pagkakaroon ng ‘Tamang Pagkain’ kung saan kalahati sa pinggan ay prutas at gulay ang nakalagay; sa isang kapat naman ay kanin at sa isa pang kapat ay para sa karne at iba pang matataba.

Kasunod nito, hinihikayat din ng ahensiya ang tamang ehersisyo at disiplina sa katawan.

Pagdaos ng community fireworks display, ipinanawagan ng DOH sa pagsalubong sa Bagong Taon

Bukod sa handaan, isa rin sa ipinaalala ng DOH ang kanilang ‘Iwas Paputok’ campaign para sa pagdiriwang ng ligtas na Pasko at Bagong Taon.

Sambit ni Asec. Domingo, imbes na magsindi ng paputok sa kabahayan, mas maigi na magkaroon na lamang ng community fireworks display.

“Nakita ko may bata sa video na nagsisindi, ang bata hindi ho dapat humahawak ng fireworks, kasi—lalo kapag hindi nakikita ng matatanda at maski ‘pag nakikita, ‘pag nakamali ng sindi putol ang daliri tanggal ang braso, huwag ho. So, community fireworks na lamang po.”

“Inatasan na rin ng ahensiya ang lahat ng DOH hospitals maging ang district at provincial health facilities na i-activate ang emergency medical services sa ilalim ng Code White Alert. Ito ay senyales na ang kagawaran at mga pasilidad nito ay nakahanda anumang oras na tumanggap ng mga pasyente,” saad ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Ipinahayag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na mayroon nang Metro Manila Council (MMC) ordinance at may kaniya-kaniya na ring ordinansa ang local government unit (LGU) kaugnay ng paggamit ng firecrackers.

“Ang firecrackers ay mayroon lamang designated zones bawat LGU na doon lamang puwedeng magpaputok. So reminder ko po sa ating mga kababayan, sundin po natin ang mga ordinansa para maging ligtas ang lahat at maiwasan ang aksidente—pagkamatay, pagkaputol ng daliri sa pagsi-celebrate ng New Year,” ani Romando Artes, Chairman, MMDA.

Sa kabilang dako, pinaiigting na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatrolya at dinagdagan na rin ang deployment ng kapulisan sa mga lugar na madalas na dinarayo ngayong holiday season.

“Dinagdagan na rin po natin iyong mga deployment ng ating kapulisan, lalung-lalo na po doon sa mga lugar na inaasahan po natin na dadagsain at dadayuhin po ng ating mga kababayan kagaya po ng mga transportation hubs, iyong mga malls and palengke at para masiguro po na ligtas po iyong ating mga kababayan,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble