PINAYUHAN ng Private Hospitals Association of the Philippines ang publiko na huwag basta-basta magtungo sa mga ospital oras na makaranas ng COVID-19 symptoms.
Abiso ng grupo, mas mainam kung makipag-ugnayan muna sa Barangay Emergency Response Team upang mas mapadali ang koordinasyon para sa gagawing hakbang.
Paliwanag ng hospital group, ito ay upang hindi na kinakailangan pang maghintay sa emergency room ang mga pasyente at makipagsiksikan sa ospital.
(BASAHIN: Mga ospital sa Makati City, napupuno na sa COVID-19 patients)
Dagdag pa nito, tanging mga moderate at severe cases din naman lamang ang tatanggapin para sa hospital accommodation.
Layon ng hakbang na matugunan ang congestion sa mga ospital at matutukan ang mga pasyenteng mayroon malalang sintomas.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa mahigit 803,000 ang kabuuang bilang ng naitalang kumpirmadong ng COVID-19 cases sa bansa.
Home quarantine para sa mga mild COVID-19 patients, pinaboran ng DOH
Pinaboran ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) ang rekomendasyon ng ilang health experts na isailalim na lamang sa home quarantine ang mga COVID-19 patients na mayroon lamang mild symptoms.
Ani DOH-NCR Regional Dir. Dr. Gloria Balboa, mainam na hakbang ito ngayong punuan na ang mga quarantine facilities at mga ospitals.
Gayunman aniya, kinakailangan pa ring masunod ang ilang kondisyon kung magsasagawa ng home quarantine.
Kabilang na dito ang isolation ng pasyente o pagkakaroon ng sariling kwarto at paggamit ng hiwalay na kubyertos upang maiwasan na ang hawaan sa ibang kasama sa bahay.
Mas makabubuti din aniya kung mayroong sariling palikuran ang pasyente.
Paalala ng opisyal, kinakailangan pa rin magpakonsulta ng pasyente bago magdesisyon na magpa-home quarantine upang mabigyan ng tamang guidance sa kanilang kondisyon.