NAGTUTURUAN ang mga miyembro at opisyal ng kapulisan sa kung sino ang informant sa umano’y pagnanakaw ng confiscated na droga mula sa isang anti-drug operation sa nakaraang taon.
Dahil sa umano’y pagsisinungaling ay isa na namang pulis ang na-detain sa Senado.
Matapos mapikon si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa umano’y pagsisinungaling nito.
Kulong ngayon sa Senado si Police Captain Jonathan Sosongco ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) matapos siyang i-cite in contempt ni Sen. Dela Rosa.
Si Sosongco ay isa sa mga pinakakasuhan ng PNP dahil sa tangkang pagtatakip kay Master Sergeant Rodolfo Mayo.
Ang pag-detain kay Sosongco ay kasunod nang mapikon si Sen. Bato.
Ito’y dahil tila pinaikot-ikot siya sa mga sagot ni Sosongco habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersiyal na 990 kilogram ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7-B na nakuha mula kay Mayo.
Ayon kay Sosongco, hindi niya kilala ang informant at pinagkakatiwalaan niya lang ito.
Ang informant ay galing aniya kay Staff Master Sergeant Jerrywin Rebosora ng PNP-Intelligence and Foreign Liason Division (IFLD).
Giit pa niya na galing kay Rebosora ang number ng informant pero ito ay itinanggi naman ni Rebosora.
Dating PNP Chief Azurin, inabsuwelto ni Sen. Bato sa umano’y cover-up na ginagawa ng PNP
Kaugnay nito ay inabsuwelto naman ni Sen. Bato si dating PNP chief Rodolfo Azurin, Jr. sa umano’y cover-up sa kaso.
Ayon kay Bato, wala siyang nakikitang pananagutan si Azurin.
Matatandan na sinabi ni Azurin sa isang press conference na walang nangyayaring cover-up para kay Mayo.
“So far wala sa naging takbo ng hearing ay wala akong nakikita na pananagutan as far as the cover-up operation is concerned,” ayon kay Sen. Ronald dela Rosa.
Samantala, personal din na humarap sa Senado si Mayo ngunit sa pagdinig ay itinanggi ni Mayo na siya ay nagsisilbing bagman ng ilang pulis na dawit sa ilegal na droga pero ang ibang katanungan ay hindi na sinagot ni Mayo.
“‘Yung isang toneladang shabu na nahuli sayo…” ani Dela Rosa.
“I envoke my rights to remain silent,” ani PMS Rodolfo Mayo, Jr.
All in all ay walang napiga ni Sen. Bato mula kay Mayo mula sa pagdinig.
Naniniwala si Bato na hindi kaya na nag-iisa ni Mayo ang isang toneladang shabu.