HUMARAP kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. si Police Major Allan de Castro na sinasabing karelasyon ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
Ito ang kinumpirma ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group director Police Major General Romeo Caramat Jr.
Ayon kay Caramat, ipinatawag ng Chief PNP si De Castro dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng beauty queen.
Sinabi ni Caramat na inamin ni De Castro sa Chief PNP ang relasyon nito kay Camilon bagama’t mayroon itong asawa.
Pinayuhan ng Chief PNP si De Castro na harapin ang kinasasangkutan kontrobersiya.
Hindi naman sinagot ni De Castro ang katanungan kung sangkot ito sa pagkawala ni Camilon.