POSIBLENG matanggal sa serbisyo ang pulis na nadadawit sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Ito ang iginiit ni PNP Inspector General Attorney Alfegar Triambulo sakaling mapatunayang guilty si Police Major Allan de Castro sa dalawang kasong administratibo.
Ayon kay Triambulo, unang kasong kinakaharap ni De Castro ay conduct unbecoming an officer dahil sa pakikirelasyon kay Camilon bagama’t may asawa na ito.
Sinabi ni Triambulo na kasalukuyang nasa summary dismissal proceedings ang kaso na inaasahang matatapos sa katapusan ng buwan.
Habang ang ikalawang kaso ay kidnapping and serious illegal detention na nasa pre-charge investigation.
Sa sandaling mapatunayang nagkasala si De Castro ay matatanggal siya sa serbisyo, mawawala ang kaniyang benepisyo at hindi na siya maaaring maglingkod sa gobyerno.