HINDI kukunsintehin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan na masasangkot sa anumang uri ng karahasan.
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, matapos ang umano’y pangha-harass at pagbabanta ng dalawang mag-asawang pulis sa ilang miyembro ng media na nagko-cover ng isang land dispute sa Brgy. Jones, Pastrana, Leyte.
Kinilala ang dalawa na sina Police Staff Sergeant Rhea May Baleos at Police Staff Sergeant Ver Baleos.
Ayon kay Fajardo, dinis-armahan at inalis na sa puwesto ang mag-asawang pulis habang gumugulong ang kasong administratibo.
Sakali aniyang mapatunayan na ang mga pulis ang nagpaputok ng baril ay madaragdagan sila ng kaso.
Sinasabing isinangla ang palayan kay Baleos noong 2017 pero inaangkin din ito ng iba pang nagpakilalang may-ari ng lupain.