INALIS na sa pwesto ang pulis na nagpakulong sa isang radio reporter dahil lamang sa pagbabasa ng police blotter sa Iriga, Camarines Sur.
Ito ang kinumpirma ni Police Colonel Julius Cesar Domingo, provincial director ng Camarines Sur Police.
Kinilala ang pulis na si Lieutenant Colonel Ralph Jason Oida.
Ayon kay Domingo, layunin ang kanilang hakbang na maiwasan na maimpluwensyan ang isinagawang imbestigasyon sa insidente.
Nabatid na kinasuhan at ikinulong ang radio reporter na si Jose Rizal Pajares dahil sa paglabag umano sa Data Privacy Act matapos magbasa ng police blotter.
Samantala, nakalaya na sa kulungan si Pajares.