BINIGYAN ng Medalya ng Kadakilaan ng Philippine National Police (PNP) ang isang pulis na nagbuwis ng buhay para mailigtas ang dalawang biktima ng kidnapping.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, isa si Patrolman Joshua Linggayo sa mga pulis na tumugis sa mga dumukot sa isang estudyante at isang negosyante sa Tondo, Maynila.
Sa nasabing operasyon ay napatay ang dalawang suspek ngunit nagtamo ng tama si Linggayo kaya agad itong dinala sa ospital.
Makalipas ang ilang araw, binawian ng buhay si Linggayo habang sumasailalim sa medikasyon sa Intensive Care Unit (ICU).
Agad na nagpaabot ng pakikiramay si PNP OIC Lieutenant General Vicente Danao Jr. sa pamilya ni Linggayo at tiniyak ang tulong at benepisyo sa mga ito.