Tila seryoso na ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng disiplina dahil ngayon, mismong timbang ng mga pulis ang kanilang tinututukan.
Babala ng PNP – kung hindi papayat sa loob ng isang taon ang mga pulis na sobra sa timbang, sisibakin sila sa serbisyo.
Batay ito sa Section 30 ng Republic Act No. 6975 o DILG Act of 1990, na nagsasabing hindi dapat lumampas o bumaba ng higit sa limang kilo ang timbang ng pulis base sa taas, edad, at kasarian.
Bilang konsiderasyon, may palugit na anim na buwan hanggang isang taon para maibalik sa normal ang timbang. Pero kapag bigong makasunod, tuloy ang tanggalan.
Para naman sa mga may karamdaman, maaari silang ma-discharge o ilipat sa admin work.
Ayon sa PNP, layon ng hakbang na ito na maibalik ang tiwala ng publiko, hindi lang sa promosyon kundi sa mas mabilis at epektibong pagresponde sa krimen.
Patuloy rin ang koordinasyon ng PNP sa NAPOLCOM kaugnay ng nasabing polisiya.