Pulis na sugatan sa engkuwentro laban sa CTGs, ginawaran ng medalya ng PNP-SAF

Pulis na sugatan sa engkuwentro laban sa CTGs, ginawaran ng medalya ng PNP-SAF

NAGSAGAWA ng isang special visit sa PNP General Hospital sa Kampo Krame ang director ng PNP Special Action Forces (SAF) na si PMGen. Bernard Banac sa isang sugatan na pulis dahil sa bakbakan.

Ginawa ni Banac ang naturang pagbisita bago ang Araw ng Kagitingan.

Sa nasabing pagbisita ay ginawaran ni Banac ng Medalya ng Sugatang Magiting (PNP Wounded Personnel Medal) si PCpl. Jason Jalvez.

Kinilala ang kabayanihan at katapangan ni PCpl. Jalvez dahil sa isang engkuwentro kamakailan lang laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Brgy. Agao-Ao, Ragay, Camarines Sur.

Ang nasabing operasyon ay nagresulta sa pagkakarekober ng mga matataas na kalibre ng armas, mga bala at iba pang gamit pandigma.

Labis naman ang paghanga ni PMGen. Banac hindi lang kay PCpl. Jalvez kundi sa lahat ng miyembro ng PNP-SAF dahil sa walang takot na serbisyo para sa bayan kahit pa nasa bingit na ito ng kamatayan.

“Their steadfast commitment to ensuring the safety and well-being of the citizenry exemplifies Araw ng Kagitingan’s spirit and underscores the PNP SAF’s invaluable contribution in maintaining peace and order in Camarines Sur and the entire Philippines,” ayon kay PMGen. Bernard Banac, Director, PNP-SAF.

DND at AFP, nagpaabot ng pagbati sa ika-82 Araw ng Kagitingan

Samantala, bilang paggunita sa ika-82 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ay nagpaabot ng kaniyang pagbati at mensahe si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa lahat ng mga nagbuwis ng buhay para sa bansa.

“As we commemorate this historic day, let us not only reflect on the sacrifices of the past but also reaffirm our commitment to upholding the principles of democracy, peace, and freedom for which our forefathers fought so valiantly,” ayon kay Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.

Aniya, kailangang bigyang-pugay ang mga naging legasiya ng mga bayaning nagbuwis ng buhay makamit lang ang magandang kinabukasan ng ating bansa.

“Let us honor their legacy by standing united in the face of challenges and working tirelessly towards a brighter future for our beloved country,” dagdag pa ni Brawner.

Kaugnay nito’y binati rin ng Department of National Defense (DND) ang mga beterano na nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas.

“Buong-pusong nagpupugay ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa mga Beteranong Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan, kasarinlan at kapayapaan ng ating bayan,” ayon naman sa Department of National Defense.

Ayon kay DND Sec. Gilberto Teodoro Jr., sana ay magsilbing inspirasyon sa bagong henerasyon ang naging kontribusyon ng mga beterano na lumaban para sa bayan.

 “Magsilbi nawang inspirasyon ang kanilang kagitingan sa pagkakaisa ng sambayanan at sa pagtugon sa mga hamon ng panahon, tungo sa mapayapa, matatag, at maunlad na Bagong Pilipinas,” ani Sec. Gilberto Teodoro Jr., DND.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble