MATAPOS ang masusing imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) ng Police Regional Office-CALABARZON (PRO-4A), napatunayan na may paglabag ang police official na nasasangkot sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon sa Batangas.
Sa inilabas na pahayag ni PBGen. Paul Kenneth Lucas, Regional Director ng PRO-4A, sibak na sa serbisyo si Police Major Allan de Castro, epektibo Enero 16, 2024.
“I would like to announce the dismissal of Police Major Allan Avena de Castro from the PNP service effective January 16, 2024 signed by me, following an extensive investigation conducted by our Regional Internal Affairs Service 4A,” ayon kay PBGen. Paul Kenneth Lucas, Regional Director, Region 4A.
Batay sa ulat ng RIAS ng Philippine National Police (PNP) CALABARZON, napatunayang si De Castro ay nakipagrelasyon kay Catherine Camilon gayong may asawa at pamilya ang pulis.
“The case against Police Major De Castro stemmed from allegations of conduct unbecoming of a police officer after a series of thorough investigation by the RIAS 4A uncovering evidence of an illicit and extramarital affair between the respondent and the missing Catherine Camilon,” dagdag ni PBGen. Lucas.
Tiniyak naman ni PBGen. Lucas na tuloy ang hiwalay na criminal investigation nila sa sinibak na pulis sa kaso ng pagkawala ng beauty queen.
“As your Regional Director, I assure the public that the dismissal of Police Major Allan Avena de Castro is an independent administrative action and is separate from the ongoing criminal investigation related to the disappearance of Ms. Catherine Camilon. The legal process will continue to unfold, and updates will be provided to the media and the public as necessary,” ani PBGen. Lucas.
Nauna nang lumantad at sumuko sa pulisya ang sinasabing driver ni De Castro na si Ariel Magpantay kasabay ng pangakong makikipagtulungan ito sa PNP para sa ikareresolba sa pagkawala ni Catherine.
Sa huli, sinabi ni Lucas na sila ay mananatiling tapat sa ginagawang imbestigasyon kasabay ang pangakong hindi nila hahayaan na madungisan ng sinumang pulis ang institusyon lalo na sa PRO ng CALABARZON.
“We are committed to the conduct of fair and impartial investigations into any allegations of misconduct, regardless of our personnel’s rank or position. Hindi natin hahayaan na masangkot sa anumang katulad na insidente ang ating mga personnel that will taint the image of the PNP especially here in the Police Regional Office CALABARZON,” aniya.
Oktubre 2023 nang mapaulat na nawawala si Camilon na dating contestant ng Miss Grand Philippines 2023.