ISANG pulis at isang ex-Army ang inaresto nang maaktuhan ang mga ito na rumaraket bilang police escort sa isang luxury car sa Parañaque City nitong kamakalawa ng hapon.
“Of course mayroon itong monetary consideration for them. That is why, they’re doing this kasi nagmo-moonlight sila,” saad ni PBGen. Jay Cumigad, Chief, PNP-HPG.
Pera ang nakikitang dahilan ng sunud-sunod na pagkakahuli ng ilang pulis na rumaraket sa illegal escort service sa mga bigating personalidad o indibidwal sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nito lamang nakaraang araw, hindi nakaligtas sa galit ni Highway Patrol Group Chief PBGen. Jay Cumigad ang isang pulis at isang dating sundalo nang maaktuhan silang nage-escort sa hindi pa pinapangalanang indibidwal.
Naaresto ang dalawa habang nagbibigay ng motorcycle escort sa isang itim na Toyota Alphard minivan sa kanto ng Diokno Avenue at ASEANA City Parañaque City, kamakalawa ng hapon, Mayo 27, 2024.
“They were escorting a vehicle who happens to speed away. So, nakuha sila ng ating team from RHPU-NCR, they are now facing charges for usurpation of authority and admin charges for both the PNP and we still have to coordinate with the AFP what admin charges are they going to file against the AFP personnel,” ayon kay PBGen. Jay Cumigad, Chief, PNP-HPG.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagawa pang magpalusot ng dalawang unipormadong indibidwal at sinabing sabay lang silang uuwi ng kani-kanilang bahay.
Pero ang kuwentong ito ng dalawa, hindi naman pinaniwalaan ng mga operatiba.
Nabatid rin na isa sa mga motorsiklong gamit ng pulis at nakarehistro sa provincial government ng Cavite.
“Hindi po official HPG na motorcyle ‘yung ginamit but its I think registered under the provincial government of Cavite and the other one is private motorcycle. Private motorcycle was used with the alleged AFP personnel. He deliberately used another uniform, ito po ‘yung nakikita niyong nagba-viral using the blue pipe and a riding jacket. It’s not official uniform of the HPG,” dagdag ni Cumigad.
Para sa hepe ng pambansang pulisya, hindi aniya ito katanggap-tanggap at kailangan itong maimbestigahan kaagad.
“Alam mo kasi dati kaya nangyayari kasi we only look at the people, walang command responsibility. Now, we put command responsibility hindi lang sa tao kasi walang mangyayari kung walang alam ‘yung commander kung sino ang may pananagutan, gusto namin may pananagutan. Kagaya po noong nagyari doon sa SAF, you can see pati ‘yung Battalion Commander are being investigated. Makikita niyo po talagang justice will roll,” ayon kay Gen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Accounting sa mga pulis sa buong bansa, ipinag-utos
Kaugnay rito, agad na ipinag-utos ng PNP ang imbestigasyon kasama na ang accounting sa mga tauhan nito para malaman kung sinu-sino pang sa mga miyembro nito ang sangkot sa ‘moonlighting’ at iba pang ilegal na aktibidad.
“Sabi ko nga hanggang kung sino ‘yung immediate commander. Papaano ‘yung sistema baka may mali kami sa aming accounting and we have to improve our accounting system,” dagdag ni Marbil.
“Ang binibigyan ko po ay talagang ‘yung IMEG natin to really conduct ‘yung mga tinatawag na accounting pati ang IAS binigyan ko na mag-account ng mga tao natin to make sure na hindi nagyayari ang mga ganitong bagay,” aniya.
Sa pakikipag-ugnayan ng SMNI sa Philippine Army, ipinauubaya na lamang anila sa PNP ang pagsasampa ng kaso laban sa ex-Army na sangkot sa moonlighting dahil matagal na anila itong wala sa serbisyo.
Nabatid rin na may pending case ang naturang sundalo sa loob ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.