DEHADO ngayon ang mga Public Utility Vehicles (PUVs) at motorista sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Tubong Dumaguete City ang jeepney driver na si Kuya Romeo at nagdesisyon na makipagsapalaran sa Maynila para makahanap ng matatrabahuan.
Ngayon, pamamasada ng jeep ang kanyang hanap-buhay araw-araw, pero bago pa raw tumama ang pandemya ay sunod-sunod siyang nakakapagpadala ng pera sa kanyang pamilya na naiwan sa probinsya.
Ngayong may pandemya, mahirap na raw kumita ng malaki lalot sinabayan pa ng pagtaas ng presyo ng langis.
“Sobra talaga ang pagtaas ng krudo..” sinabi ni Romeo Alyabo, jeepney driver.
Dagdag ni Kuya Romeo, mas gugustuhin na lang nitong umuwi ng probinsya.
Dahil holiday ngayong araw si Kuya Rey naman ay walang magawa kundi pumila at maghintay na lang ng pasaherong sasakay, sayang daw kasi ang kanyang gasolina kung pabyahe-byahe para maghanap ng pasahero, ganon pa rin daw kasi ang kanyang kinikita.
Bitbit din ni Kuya Rey ang kanyang pamilya habang namamasada nang sa ganun ay makatulong daw sa pagtatawag ng mga pasahero.
Tyamba naman para sa taxi driver na si Kuya Jolie na makakuha ng pasahero kapag nakabyahe nang maayos, pero ngayong may posibilidad na mas tumaas pa ang presyo ng krudo, mas pipiliin niya raw na pumila na lang at matiyagang maghintay ng pasahero.
Habang ang tricyle driver na si Arron ay kaya naman daw kitain ang pagpapafull tank, pero sa ngayon ay mahirap.
Diskarte naman ng ilang motorista ngayong tumaas ang presyo ng langis,
“Bawasan na lang yung paglabas..” saad ni Mark Marcelo, motorista.
Ayon naman kay Mariano Calimag na isa ring motorista,
“Kapag hindi kailangan ng sasakyan nilalakad na lang.”
Samantala, handang magbigay ng tulong at suporta ang Development Budget Coordination Committee sa mga sektor na apektado ng oil price hike.