PATULOY na humihina na ang puwersa ng CPP-NPA-NDF sa Hilagang Luzon dahil sa pagtutulungan ng militar at ng mga lokal na pamahalaan sa lugar.
Mistulang humihina na ang insurhensiya ng mga makakaliwang grupo o CPP-NPA-NDF dito sa Hilagang Luzon bunsod ng nagpapatuloy na operasyon ng militar sa pagtugis ng mga rebelde partikular na sa Rehiyon 2 at Cordillera Administrative Region.
Sa panayam ng SMNI News kay Spokesperson Major Jekyll Julian Dulawan ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, nagpapatuloy pa rin ang massive clearing sa 86 na barangay na apektado ng guerilla fronts sa Hilagang Luzon.
“At ngayon on-going ang ating tinatawag na massive clearing sa 86 na CPP affected na barangays through our CSD operations, focus military operations at hopefully ma-dismantle din natin yung mga natitira pang mga guerilla front committees dito sa Cagayan Valley.” Saad ni Dulawan
Pahayag pa ni Dulawan, marami na ring mga rebelde ang nagbalik-loob na sa gobyerno.
Aniya pa, bagama’t humihina na ang insurhensiya ng NPA, ay mayroon pa ring iilang mga lugar na pinagtataguan pa rin ng mga ito lalo na sa bahagi ng Cagayan at Kalinga kaya’t patuloy pa rin ang pagsanib pwersa ng militar at lokal na pamahalaan sa Hilagang Luzon.
Napapadali rin umano ang pagtugis sa mga rebelde dahil sa magandang pakikitungo ng mamamayan sa militar.
Sinabi pa ni Major Dulawan na patago-tago na lang ang ilan pang mga rebelde at mistulang nakakaawa pa raw ang mga ito.
Sinabi ni Dulawan na maganda ang naging epekto ng NTF-ELCAC sa komunidad dahil nabigyan ng pagkakataon ang mga sumukong rebelde na magbagong buhay sa tulong ng DOST at DA na namahagi ng training at livelihood programs gaya ng poultry, egg productions at mga fishpond sa mga apektadong lugar.
Sa ilalim ng NTF-ELCAC ay itinatag din ang programang BDP o Barangay Development Plan o pagpapatayo ng mga health center, farm to market roads at mga water systems upang mas mapadali ang pag-angkat sa mga produkto at pagtaas sa economic rate kaya mahihikayat na ang mga ito na magtrabaho sa halip na maging rebelde.
“Isang factor din kasi bakit lalong humihirap yung mga ibang far flung communities dito ay hindi nakakarating yung mga government services kasi nga walang kalsada at dahil dun may isyu, so pag andun yung isyu, nare-recruit yung mga masa at sumusuporta sa NPA at ‘pag nangyaring ganun, yung mga armadong grupo, pumaparati sa kanilang lugar at the more na andun yung armadong grupo, the more na hindi makapasok yung mga government services,” dagdag ni Dulawan.
Samantala, mensahe ni Major Dulawan sa mga nais bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC na puntahan muna ang mga lugar kung saan malaki ang naitulong ng NTF-ELCAC upang makita ng mga ito ang magandang dulot nito sa mamamayan at suportahan na lamang o di kaya’y dagdagan ang pondo upang mas marami pang mga barangay ang maging benepisyaryo nito.
(BASAHIN: Kalahating bilang ng mga guerilla front committees sa North Luzon, nabuwag na)