MAAARI nang mag ‘walk-in’ ang sino mang nais magpabakuna ayon sa Parañaque City Government, ngunit nilinaw nilang prayoridad pa rin ang mga residenteng mayroong confirmation mula sa lungsod.
Umarangkada na kahapon sa mga vaccination sites ng lungsod ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa mga essential workers o A4 Priority Sector, ayon sa alkalde ng Parañaque na si Edwin Olivares.
Dagdag pa ni Olivares, itinuturing na economic frontliners o essential workers ang mga manggagawa na kinakailangang lumabas ng bahay upang maghanapbuhay katulad ng mga guwardiya, mga nagtatrabaho sa bangko, media at groceries.
Nasa 3000 frontliners ang target na mabakunahan sa Parañaque at umaasa sila na mas marami pang mga residente dito ang gustong magpabakuna para tuluyan nang umarangkada ang sigla ng ekonomiya sa lungsod.