Pwersa ng Pilipinong Pandagat, tututukan ang pangangailangan ng higit 3-M mangingisda sa bansa

Pwersa ng Pilipinong Pandagat, tututukan ang pangangailangan ng higit 3-M mangingisda sa bansa

BINUO ng mga Duterte ang Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Party-list na irerepresenta ang sektor ng mga mangingisda sa Kamara.

Ayon kay PPP Party-list 2nd Nominee Bryan Lim, sa matagal na panahon ay napapabayaan ng pamahalaan ang nasabing sektor.

‘’Ang party-list na ito kasi ay may dalawang dahilan kung bakit ito itinatag ng mga Duterte. Nakita nila na, mula noon, walang kinatawan ang sektor ng mga mangingisda. Palagi nating naririnig na sila ay naiiwan sa laylayan—walang kumakatawan at isang napapabayaang sektor,” ayon kay Bryan Lim 2nd Nominee, Pwersang Pilipinong Pandagat Party-list.

Pagbibigay-diin ni Lim—panahon na para magkaroon ng boses ang mga mangingisda at matiyak na sila ay nakakakuha ng sapat na suporta mula sa pamahalaan.

Lalo na aniya na isa ang pangingisda sa hanapbuhay ng maraming Pilipino.

‘’Panahon na rin na ating pagsama-samahin ang ating mga mangingisda dahil kapag nagkakaisa na sila, magkakaroon tayo ng boses na hindi nila pwedeng balewalain. Kasi ngayon, tila binabalewala lang sila. Para bang nagbibingi-bingihan na lang,’’ saad ni Bryan Lim.

Isusulong ng PPP Party-list na ilaan ang pondo para sa mga mangingisda sa mga programa’t proyekto na pang-matagalan sa halip na ipamigay lang ito bilang ayuda.

Isa sa mga plano nilang tutukan ay ang pagpapatayo ng mga kinakailangang cold storages.

“Yung mga ayuda na ibinibigay nila, dapat ipinatayo na lang nila ng cold storages. Kasi malaking problema pa rin ito para sa mga mangingisda. Kapag kaunti ang huli, problema. Kapag marami ang huli, problema pa rin. Ang presyo kasi nagbabago-bago kapag marami ang huli dahil wala namang processing,’’ ani Lim.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter