QC Government, target na magkaroon ng Kyusipass city-wide sa katapusan ng Enero

NAKATAKDANG ilunsad ng Quezon City Government ang ‘Kyusipass’ na isang contact tracing app na powered ng Safepass.

Ito ay bilang bahagi ng contact tracing efforts ng lungsod laban sa COVID-19.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, sa pamamagitan ng Kyusipass ay mas mapapabilis ang pagtunton ng lungsod sa mga taong bumibisita sa bawat establisimyento na nasa kanilang nasasakupan.

Sinabi ni Belmonte na ang bawat indibidwal na may balidong mobile number na nakatira, nagtatrabaho, o nagnenegosyo sa Quezon City, ay kinakailangang kumuha ng personal QR code.

Maaari magparehistro sa pamamagitan nang pag-sign up sa Safepass website, Safepass Facebook Chatbot, at SMS.

Ang Kyusipass ay kasalukuyan nang ipinaiiral sa lahat ng QC government departments, kung saan ang lahat ng tanggapan ay kinakailang i-scan ang QR codes ng kanilang empleyado, pagpasok ng mga ito sa trabaho.

Sinabi ni QC Local Economic Investment Promotions Office (LEIPO) Head Perry Dominguez na nais ng lungsod na gawin ang Kyusipass city-wide sa katapusan ng Enero.

SMNI NEWS