NAGSAGAWA ng public consultation ang Quezon City LGU para sa panukalang street side parking regulation sa mga piling barangay sa lungsod.
Ayon sa QC LGU nais ng naturang programa na maging maayos ang public parking sa Quezon City upang maiwasan ang mabigat na daloy ng trapiko at mapanatili ang kaligtasan ng mga pedestrian dulot ng tumataas na bilang ng mga sasakyan sa tulong ng public parking application.
Sa mobile public parking application, makikita ang bilang ng available parking slots na maaaring i-book.
May maximum na tatlong oras ang mga nais mag-park kada slot na may kaukulang parking slot fee at puwede rin mabayaran ang fee sa mobile app.
Para naman sa mga nais mag-book ng parking slot offline, may mga designated parking attendant na mag-a-assist sa mga customer, maaari din magbayad ng parking fee sa mga parking attendant sa public parking area.
Ang proposed parking operating hours ay mula 8:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.
Nanguna sa public consultation ang mga opisyal ng pamahalaang lungsod na sina Counselor Ram Medalla, chairperson ng Committee on Transportation, City Administrator Michael Alimurung, Traffic and Transport Management Department Head Dexter Cardenas, at Local Economic Investment and Promotions Office Head Jay Gatmaitan.