QCPD, babarahin ang police scalawags sa kanilang hanay

QCPD, babarahin ang police scalawags sa kanilang hanay

WALANG puwang sa Quezon City Police District (QCPD) ang mga bulok na pulis.

Kasunod ito sa direktiba ni DILG Secretary Benhur Abalos na ipatatanggal nito ang sinumang pulis na masasangkot sa katiwalian.

“Alam ng lahat ang ating pamamalakad na mahigpit po tayo sa mga scalawags pero mabait naman tayo doon sa mga sumusunod, kaya hinihikayat ko ang mga kapulisan ko dito sa QCPD na we should rally behind the instruction of the DILG na maging propesyunal, maayos, tama ang pagpapatupad ng batas kaya itong mga scalawags na gagawan ng kalokohan, nanawagan rin tayo sa kanila na kung hindi naman sila makikinig, eh mayroon naman tayong batas,” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos.

Sa panayam ng SMNI News kay QCPD Director PBGen. Remus Medina, hindi ito pabor na mabahiran ng anumang dungis ang kanyang mga tauhan partikular sa katiwalian.

Aniya, ikinadidismaya nito ang kapwa nito opisyal ng PNP na sa kabila ng magandang trato ng liderato ng organisasyon at ng pamahalaan lalo na sa pangangailangan ng kanilang hanay, nagagawa pa rin ng mga ito na maging balakid sa magandang imahe ng PNP. 

“Yes, ikinalulungkot ko po na mayroon mangilan-ngilan po na mga kasamahan natin na despite the support na ibinibigay ng ating PNP leadership, mayroon pa ring ganoon,” ani QCPD Director PBGen. Remus Medina.

Batid din ng opisyal na hindi sila nagkulang at ng buong hanay ng PNP sa pagpapaalala sa mga kawani nito na huwag susubukan ang mga iligal na gawain upang hindi mauwi sa paglagas ng mga oportunidad mula sa pamahalaan. 

“So, kami naman ay hindi nagkulang sa mga babala, kaya ‘yung mga panawagan na iyan ay hindi po nila pinakinggan. Eh, ‘yung batas ang hahatol sa kanila at hindi po namin papayagan ang mga kapulisan  natin na gumawa at sirain nila ang imahe ng karamihang pulis na gumagawa naman ng kabutihan,” dagdag ni Medina.

Nauna nang sinabi ng bagong pinuno ng DILG na hindi ito mangingiming alisin sa pwesto ang sinumang pulis na masasangkot sa iregularidad lalo na sa iligal na droga.

Sa panig ng PNP, lalo na sa lungsod ng Quezon kung saan ilang beses na rin naisagawa ang ilang operasyon ng iligal na droga, tiniyak nitong tuloy-tuloy lang ang kanilang anti-illegal drugs at anti-criminality campaign nito sa ilalim ng direktiba ng DILG at sa bagong administrasyon.

“Ang pulis po natin ay on-alert, tuloy-tuloy din ang ating kampanya laban sa krimen, kaya asahan po ninyo na magiging mahigpit ang QCPD, magkakaroon po tayo ng mga checkpoints sa mga designated na mga lugar kagaya ng ‘yung entry natin diyan sa may pababa ng Batasan, Marikina, diyan sa mga Payatas hanggang dito po sa may Fairview, asahan niyo po ang mahigpit na checkpoint. Samantalahin ko na lang ‘yung panawagan natin sa public na kung pupwede maging, hingi lang kami ng pasensiya na sila po ay maabala para sa aming mga checkpoints,” saad pa ni Medina.

Follow SMNI NEWS in Twitter