QCPD, nagsagawa ng bomb simulation exercise sa People Power Monument

IPINAKITA ng Quezon City Police District (QCPD) kung papaano magresponde kung sakaling may magaganap na pagsabog sa isang lugar na may malaking pagtitipon.

Isinagawa ito isang araw bago ang nakatakdang selebrasyon ng ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa bansa bukas, Pebrero 25.

Sa harap ng People Power Monument sa EDSA, makikita ang dahan-dahan na paglapit ng QCPD personnel sa isang pinahihinalaang Improvised Explosive Device(IED) na nakitang naiwan sa isang sulok malapit sa mga tambak na basura.

Dahan-dahan itong sinuri at nang makumpirmang naglalaman ito ng pampasabog, agad itong umalis papalayo sa subject, pinalikas ang mga taong malapit sa pampasabog at saka pinaputok.

Bagama’t wala naman namomonitor na banta sa EDSA People Power Anniversary, mas maganda na ring maging handa ayon tagapagsalita ng QCPD.

Bukod sa simulation exercise, magiging bahagi rin ang kapulisan sa pagbabantay ng trapiko at higit sa lahat ang pagpapatupad ng health protocol mula sa banta ng COVID-19 dahil sa inaasahang pagdagsa ng tao para sa nasabing pagtitipon.

Samantala,  puspusan na rin ang paglilinis ng mga tauhan ng DPWH sa lugar.

Mula sa paghahakot ng mga basura, pagpipinta sa mga paligid kasabay na rin ng pagkakabit ng mga tarpaulin banner na may temang “EDSA 2021: Kapayapaan, Pagbangon, Paghilom”.

Wala namang ipatutupad na pagsasara ng mga daanan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) pero  magpapatupad sila ng zipper lane sa eastbound direction ng White Plains Avenue sa Quezon City sa araw ng paggunita ng nasabing pagtitipon.

“The zipper lane or counter flow scheme will be opened in front of Camp Aguinaldo Gate 5 and will accommodate volume of vehicles going to EDSA,” ayon sa paalala ng MMDA.

Magsisimula ang simpleng programa sa ganap  na alas 8:00 ng umaga.

Magpapadala rin ang MMDA ng traffic marshals na magmamando sa trapiko sa kahabaan ng White Plains at iba pang mga lugar.

Kasabay ng pagsasagawa ng clearing operations sa mga daan para matanggal ang mga sasakyang iligal na nakaparke sa mga lugar tulad ng Temple Drive at EDSA Shrine.

SMNI NEWS