MULING nagtungo sa opisina ng National Bureau of Investigation o NBI ang mga pulis ng Quezon City Police District (QCPD) na sangkot sa nangyaring shootout incident ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City kamakailan.
Mula sa 11 pulis na unang pumunta kahapon, 22 miyembro na ng QCPD ang humarap sa NBI ngayon.
Matatandaang hindi natuloy sa pagsalaysay ng kanilang partisipasyon kaugnay sa naganap na shootout ang unang 11 pulis kahapon matapos hindi dumalo ang kanilang abogado.
Naisumite naman kahapon ng PNP sa kustodiya ng NBI ang mga nakuha nitong ebidensya kabilang na ang mga baril, sasakyan, cellphone, at iba pang mga ebidensya na prinoseso ng PNP Crime Lab, pati ang boodle money na una ng nai-report na nawawala.
Kamakailan lang ay ipinahinto ni Pangulong Duterte ang imbestigasyon ng PNP at PDEA matapos ipinag-utos ng presidente na NBI na lang ang direktang mag-iimbestiga sa insidente.
Tinitiyak naman ng Pangulo na magiging patas ang imbestigasyon.
Lima na ang kumpirmadong namatay mula sa madugong shootout ng PNP at PDEA noong Pebrero 24.
Dalawa dito ay mga pulis ng QCPD, dalawa sa ang PDEA agents at isang informant.