INILIPAT na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamahala ng dalawang munisipalidad ng Guimaras ang bagong tayong mga quarantine facility para sa COVID-19.
“It would be easier for our constituents should they get infected by the coronavirus,” pahayag ni Buenavista Mayor Eugenio Reyes, na isa sa tumanggap ng 20-room quarantine facility na matatagpuan sa Barangay McLain ng nasabing munisipyo.
“Sixteen rooms are for our asymptomatic clients once it becomes operational in the next few days,” dagdag ng Mayor.
Inilaan naman ang natitirang apat na silid para sa mga personnel na mangangasiwa sa nasabing pasilidad at isa rito ay gawing rest area.
Bawat silid ay fully air-conditioned at may isang comfort room at beddings.
Bago ang turnover ng pasilidad, may quarantine facility ang lokal na gobyerno maliban sa kanilang evacuation center.
Kasalukuyan ay nasa pito ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Buenavista, tatlong returning overseas Filipino (ROFs) at apat na local cases.
Maliban sa Buenavista, isa rin ang munisipyo ng Jordan sa Guimaras ang tumanggap ng quarantine facility na may silid para sa lalaki at babaeng doktor at isang nurse station.
Matatagpuan ang bagong quarantine facility ng Jordan sa capitol grounds ng Barangay San Miguel.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Guimaras Governor Samuel Gumarin sa pag-turnover ng DPWH ng karagdagang isolation facilities.