Quarantine restriction sa Metro Manila, nais luwagan sa Marso

SINABI ni Trade Secretary Ramon Lopez na target ng economic team ng pamahalaan na luwagan ang quarantine restrictions sa Metro Manila sa Marso.

Ayon kay Lopez, pinaghahandaan nilang ibaba ang community quarantine classification o di kaya’y i-adjust ang age limit sa paglabas ng tahanan.

Ipinunto ng kalihim na napapanahon na itong gawin pero naantala lamang dahil sa pagpasok ng bagong variant ng COVID-19 sa bansa.

Sa pagbaba ng quarantine restrictions maibabalik aniya ang paglago ng ekonomiya tulad ng naitala noong pre-pandemic level pero kailangang makita muna na magiging stable ang trend ng COVID-19 cases.

Dagdag pa ni Lopez, makatutulong ang pagsisimula ng vaccine rollout sa bansa para muling tumaas ang kumpiyansa ng consumers na nawala noong pumutok ang pandemya.

Mababatid na nitong huling quarter ng 2020 ay naitala sa 8.3 percent na pagbaba ang economic output mula sa 16.9 percent noong second quarter pero malayo pa ito sa above 6-percent growth rate bago ang COVID-19 pandemic.

SMNI NEWS