BILANG suporta sa pagtugon ng bansa laban sa COVID-19, ang United States Agency for International Development (USAID) at ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ay naglunsad ng COVID-19 mobile testing at vaccination units.
Ang pag-deploy ng mobile vaccination at testing teams ay inaasahang magpapalawak at magpapalakas sa pagtugon sa pandemya ng lungsod.
Makikinabang dito ang mga Qcitizen lalong lalo na ang mga senior citizen at may comorbidity at ang mga mahihirap na pamilya na naninirahan sa mga lugar na mahirap maabot.
Alinsunod din sa national government na maghanda para sa mga posibleng surge at pagpapataas ng vaccination rollout.
Susuportahan ng USAID ang kampanyang protektodo ng Quezon City sa pamamagitan ng pagpapakilos ng tatlumpung manggagawa sa pangkalusugan upang tumulong sa mga operasyon ng bakuna at pagsubok sa anim mga distrito.
“We in the Quezon City government are profoundly grateful to the United States Agency for International Development (USAID) for choosing to support the city’s COVID-19 response,” ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ang mga mobile vaccination teams ay tutulong na mag-contribute ng tinatayang 12,000 shot kada buwan para sa mga tao ng Quezon City habang ang mobile testing initiative ay makakatulong sa pag-aambag ng humigit-kumulang 5,000 test bukod pa sa 20,000 monthly testing coverage ng QC LGU.
Umaasa naman ang alkalde na ang hakbang na ito ay higit pang magpapababa sa bilang ng mga kaso ng COVID at mas mataas na rate ng pagbabakuna sa mga malalayong barangay at makakamit ang proteksyon sa populasyon.
Sinabi pa nito na sa lalong madaling panahon ay maaari nang buksan ang ekonomiya at sa kalaunan ay mabigyan ang mga kabataan ng higit na kalayaan sa paggalaw tulad ng face-to-face classes.
Matatandaang, simula noon ang USAID ay nagbibigay ng humanitarian at technical assistance na nagkakahalaga ng mahigit $39 milyon o P2 bilyong bilang suporta sa pagtugon ng bansa sa COVID-19.
Nitong Lunes ay nag-anunsyo ang USAID ng karagdagang $11.3 milyon o P550 milyon bilang tulong na palakasin ang pagtugon sa health system.