IPINAG-utos na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang crackdown sa drinking sessions ng mga magkakapamilya, kaibigan at kapitbahay sa lungsod.
Ito ay matapos ikaalarma ng Quezon City government ang tumataas na bilang ng special lockdown areas bunsod ng drinking sessions na nagiging super spreader events.
Sa datos mula sa city government, ang index cases sa 8 mula sa 27 areas na nasa granular o special concern lockdown ay natuklasang nahawaan sa inuman sa kanilang lugar.
Ayon kay Belmonte, magsasagawa na ngayon ang law enforcement cluster ng city government kasama ang mga barangay official ng foot patrols sa mga eskinita at inner roads upang i-monitor ang social gatherings gaya ng inuman.
Hinimok din nito ang mga residente ng mga pasaway na indibidwal na i-report ang illegal gatherings sa Quezon City Hotline 122 upang agad na makapagresponde ang mga opisyal sa mga reklamo.
Sinabi ng city government na nasa 1,017 pamilya ngayon ang nasa ilalim ng lockdown sa SCL areas kung saan ang lahat ng mga ito ay sumasailalim sa swab testing.
Bumaba naman anila sa 16 ang SCL areas sa lungsod hanggang noong Mayo 20 ngunit tumaas muli ito sa 29 hanggang ngayong araw.
(BASAHIN: Higit sa 5-km ng GORA Lane sa Quezon City, nakumpleto na)